NANITANG TRAFFIC ENFORCER INARARO NG BUS, PATAY

CAVITE – Patay ang isang traffic enforcer nang araruhin ng driver ng pampasaherong bus matapos itong sitahin dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Alfredo Datoon, miyembro ng Traffic Management Unit ng Dasmariñas City, namatay sa pinangyarihan ng insidente.

Hawak na ng pulisya ang suspek na si alyas “Rollie”, driver ng Erjhon & Almark bus na may plakang UMN 117, at residente ng Brgy. Galicia 2, Mendez, Cavite.

Ayon sa ulat ni Police Master Sergeant Richard Domingo ng Dasmariñas Component City Police, bandang alas-2:00 ng hapon nang mangyari ang insidente habang nagmamando ng trapiko ang biktima sa sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Pala-Pala sa Brgy. Sampaloc, Dasmariñas City.

Sinita umano ng biktima ang driver ng pampasaherong bus habang nakatigil sa nasabing lugar kung saan ipinagbabawal ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero (No Loading/ unloading) sa lugar.

Subalit imbes na sumunod ang driver ng bus, pinaandar nito ang kanyang sasakyan at kinaladkad ang biktima na nagresulta sa agarang kamatayan nito. (SIGFRED ADSUARA)

77

Related posts

Leave a Comment