Niyayang mamitas ng prutas 6-ANYOS GINAHASA’T PINATAY NG LASING

BATANGAS – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 6-anyos na batang babae na matapos halayin ay pinatay ng isang 23-anyos na construction worker sa bayan ng Bauan sa lalawigang ito.

Batay sa report ng Bauan Police, natagpuan noong Biyernes ang bangkay ng biktimang si Angel Caguete na walang saplot at nakagapos ng pinagpunit-punit na blouse nito ang mga paa at kamay sa magubat na lugar sa Barangay Sta. Maria.

Nakapulupot naman sa leeg nito ang pinunit na maong shorts nito.

Ang biktima ay nawala noong Enero 24 at noong Sabado ay naaresto naman ng mga tauhan ng Bauan Police ang suspek na si Joefel Maranan, construction worker at kapitbahay ng bata.

Inamin ng suspek ang krimen at sinabing nagawa niya ito dahil sa matinding kalasingan kaya humihingi ng tawad sa mga magulang at kaanak ng biktima.

Sumama umano sa kanya ang bata patungo sa lugar ng krimen matapos yayain niya itong mangunguha sila ng prutas na sineguelas.

Doon na niya umano pinagsamantalahan ang bata na kanyang iginapos.

Ngunit dahil sa takot na magsumbong ang bata, sinakal niya umano ito hanggang sa kanyang mapatay.

“Iyon ay buhay pa, baka po magsumbong kaya doon ako natakot, kaya pinagtatali ko siya at sinakal. Ang paningin ko ay dumilim, ‘yung isip ko ay lumipad kaya nagawa ko ‘yun,” ayon sa suspek.

Nakakulong na ang suspek sa Bauan Police Station locked-up cell at sasampahan ng kasong rape with murder. (NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment