OFW, 3RD CASE NG COVID SA STA. CRUZ, DAVAO DEL SUR

DAVAO DEL SUR—-Nakapagtala na naman ng panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Municipal Health Office (MHO) sa bayan ng Sta. Cruz sa lalawigang ito.

Ayon kay Dr. Raygene Madronero, MHO officer sa lugar, isang 50-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na umuwi mula sa Kuwait ang dumating sa Manila noong Hunyo 4. Ito ang pangatlong kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Sinabi ni Madronero, nag-negatibo ang OFW sa isinagawang Rapid Test-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) nang dumating ito.

Noong Hunyo 10 nang dumating ang OFW sa Francisco Bangoy International Airport sa Davao City at sinundo ng mga personahe ng MHO at agad dinala sa isolation unit sa kanilang bayan.

Dagdag ni Madronero, isinailalim sa Rapid Diagnostic Test (RDT) ang OFW nang makauwi sa kanilang lugar at lumitaw na positibo ang Igg anti-body kaya agad dinala sa Southern Philippine Medical Center (SPMC) sa Davao City ngunit hindi dumaan sa swab test dahil bago pa lamang sumailalim sa RT-PCR kaya inilagay na lang sa kwarentinas ng munisipyo.

Ngunit noong Hunyo 17, muling nagsagawa ng RDT ang MHO at lumabas ang resulta ng Igg na positibo pa rin ito kaya kinunan na ng swab test sa Davao del Sur Provincial Hospital at ipinadala sa SPMC ang specimen.

Ibinunyag ng MHO na noong Hunyo 21, lumabas ang resulta ng RT-PCR kung saan nag-positibo sa COVID-19 ang OFW.

Ani ni Madronero, nananatiling asymptomatic ang pasyente at inilipat na sa provincial isolation unit.

Nilinaw naman nito na simula nang dumating sa kanilang bayan ang nasabing OFW ay hindi pa ito nakauwi sa kanilang bahay sa Brgy. Tagabuli.

Nagsagawa na ng contact tracing ang MHO at pagdis-infect sa kanilang isolation facility. (DONDON DINOY)

65

Related posts

Leave a Comment