OVERBILLING PINABABAYARAN SA PECO

SA halip na gumastos sa lawyer’s fee at publicity para mahabol ang kinanselang legislative franchise at mabawi ang tinanggal na operation permit na diumano ay umabot na sa P300 milyon, hinimok ng isang opisyal ng Iloilo City na mainam na bayaran na lamang ng Panay Electric Company (PECO) ang overbilling nito sa kanilang consumers.

Ayon kay dating Iloilo Councilor Joshua Alim, malaki pa ang pagkakautang ng PECO sa may 60,000 consumers ng Iloilo dahil sa overbilling sa monthly electricity consumption na umaabot ng halos 1,000 porsiyento.

“PECO should stop wasting its cash on huge lawyers’ fees in trying to stop the new distribution utility from operating and instead save its cash for the payment of the remaining amount of unrefunded overbilling,” paliwanag ni Alim na nanguna sa mga opisyal ng Iloilo City na nagpaabot sa Kongreso ng pagtutol na ma-renew ang prangkisa ng PECO dahil sa palpak na serbisyo nito sa loob ng ilang dekada.

Sinabi ni Alim na dalawa ang overbilling case na kinahaharap ng PECO, ang una ay P1B na dapat nitong ibalik sa mga consumer resulta ng “over recovery” sa binili nitong kuryente mula sa generation company na Panay Power Corp. noong 2009. Ani Alim, nagkaroon ng compromise agreement sa nasabing kaso kaya nasa P630M na lamang ang iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na i-refund sa consumers.

Ang ikalawang overbilling case ng PECO ay ang nadiskubreng anomalya ng House Committee on Legislative Franchises sa gitna ng isinasagawa nitong pagdinig. Batay sa mga ebidensyang nakalap ay nagkaroon ng mga erroneus meter reading ang PECO dahil sa kanilang sira-sirang electric meters at lumobo ang bilang ng mga gumagamit ng jumper o illegal power connections na nagresulta ng pagtaas sa singil sa kuryente sa kanilang mga consumer.

Tinukoy ni Alim ang naging technical study ng MIESCOR Logistics Inc. noong 2019 na nagsasabing may 30,000 illegal power connections sa Iloilo City na mas mataas pa ang nakukunsumong kuryente kaysa sa mga lehitimong consumer kaya umabot sa 9.3 porsiyento ang systems loss.

Samantala, ipinagtanggol din ni Alim ang More Electric and Power Corp. (More Power) sa bintang na lumala ang brownout mula nang i-takeover nito ang power distribution sa Iloilo.

Giit ni Alim, ang nararanasang brownout ay resulta ng isinasagawang comprehensive preventive maintenance na naglalayong pagbutihin ang serbisyo dahil pinapalitan ang mga luma at sirang pasilidad kumpara umano noong panahon ng PECO na nagkakaroon ng madalas na power interruption dahil sumasabog ang power lines at nagkakaroon ng overloading.

Kaugnay nito, sinabi ng Iloilo City Council sa nakaraang public hearing na kinikilala nito ang More Power na siyang nag-iisa at legal na power utility sa lalawigan dahil ito ang may hawak ng legislative franchise mula sa Kongreso at siya ring inisyuhan ng certificate of public convenience and necessity (CPCN) ng ERC para makapag-operate bilang Distribution Utility sa Iloilo City.

Samantala, nilinaw naman ng PECO na noong nakaraang taon ay nakapag-refund na ito alinsunod sa direktiba ng ERC.

Sa rekord ng ERC, lumilitaw na nakapag-refund na ang PECO noong Pebrero 2019 subalit mayroon pa itong balanse na aabot sa P7.5M.

73

Related posts

Leave a Comment