P3-M PABUYA VS RUMOHR KILLERS

REWARD-2

Nag-alok ng P3 milyong pabuya ang pamilya ng dentista at negosyanteng si Dra. Vicky Rumohr na napaslang noong Abril ng mga hindi pa nakikilalang riding-in-tandem suspects.

Sa kabuuang pabuya, 1 milyon ay para sa makagbibigay ng mahalagang impormasyon, samantalang tig-isang milyon naman ang ibibigay sa mismong triggerman at sakay nito kapalit ng pagbunyag nila kung sino ang nag-utos sa kanila na patayin ang dentista.

Sa press conference sa Calbayog City kamakailan, hindi pa rin titutukoy ng anak ni Dra. Rumohr na si Kathleen Rumohr Hugo Valestra ang motibo sa pagpatay, ngunit sinabing hindi sila naniniwala na ito’y may kinalaman sa politika.

Si Kathleen ay humarap sa mga miyembro ng media kasama ang kanyang kapatid na si Dino, mga pinsan na sina Ignacio at Maricris Rumohr at National Coordinator ng Volunteers Against Crime and Corruption na si Rosita Roque.

Matatandaang bandang alas-4:00 ng hapon noong April 15, 2019 nang barilin si Dr. Rumohr, 69-anyos, ng riding-in-tandem habang nagmamaneho ng kanyang pick-up truck sa Magsaysay Blvd. extension, papunta sa kanyang tanggapan sa Narcisa Hills Subdivision, na agad nitong ikinamatay.

Tinitiyak ni Kathleen sa mga lalantad na saksi na ang kanilang pagkakakilanlan at testimonya ay pakakaingatan at kung kakailanganin ay kanilang irerekomendang maisailalim sa Witness Protection Program ng gobyerno. Tiniyak naman ni Roque na hindi hihinto ang VACC hanggang hindi nakakamit ng pamilya Rumohr ang hustisya.

Kung may impormasyon taglay na makakatulong para malutas ang kaso ni Dra. Rumohr, tumawag lang sa pamilya sa 0915 396 1096 o sa VACC sa 0998 9902 337.

191

Related posts

Leave a Comment