(NI AMIHAN SABILLO)
MAHIGIT P47 milyon at posibleng tumaas pa ang halaga sa paunang naitala ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa naganap na lindol sa lalawigan ng Batanes.
Kasabay nito, nananawagan ang pamahalaan ng Batanes na magpadala ng karagdagang tents sa kanilang lugar dahil siksikan na umano ang mga apektadong pamilya sa evacuation centers.
Sa inilabas na datus ng NDRRMC, P40 milyon ang naitalang pinsala sa Itbayat District Hospital at nasa P7 milyon naman ang pinsala sa Itbayat Rural Health Unit.
Bukod pa ito sa dalawang eskwelahan at 15 mga kabahayan na totally damaged at ilan pang partially damage na mga kabahayan.
Ayon kay NDRRMC Executive Director USec Ricardo Jalad nagpapatuloy pa ang kanilang damaged assessment sa lugar kaya malaki ang posibilidad na papalo pa sa mga susunod na oras o araw ang maitalang pinasala o ang kabuuang pinsala ng lindol.
Matatandaan na sa unang report ng NDRRMC ay nasa 911 mga pamilya ang apektado dahil sa serye ng pagyanig bunsod ng lindol sa Itbayat, Batanes noong Sabado.
Ang limang barangay na apektado ay mula sa Itbayat at kasalukuyang nananatili sa mga tent na inilagay sa plaza at public market sa Barangay San Rafael.
Samantala, agad naman nagpa-abot ng tulong ang Department of Health (DoH) sa pamamagitan ng pagpapadala ng seven-man Trauma Medical Team na siyang nag-facilitate ngayon ng stress debriefing para sa mga earthquakes victims.
Sinabi naman ni Batanes Gov. Marilou Cayco, na patuloy ang pagdating ng mga relief goods, subalit mas maraming tent ang kanilang kinakailangan ngayon dahil siksikan sa tent ang mga residente.
Habang nasa Itbayat na rin ang mga kawani ng DPWH o Department of Public Works and Highways para sa pagkukumpuni ng mga nasirang gusali ng pamahalaan gayundin ng mga kalsada sa lugar.
117