P5.1-B SHABU NASAMSAM SA BULACAN WAREHOUSE

AABOT sa humigit kumulang 828-kilos ng imported high-grade shabu na nagkakahalaga ng P5,630,400.00 ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Special Operation Unit (SOU) ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang warehouse sakop ng Meralco Village sa No. 2, Raley St., Barangay Lias sa bayan ng Marilao nitong Huwebes, dakong alas-3:00 ng hapon.

Ayon kay PNP Chief Gen. Archie Gamboa, isang Chinese national at dalawang Pinay ang naaresto sa naturang operasyon sa warehouse na bagsakan umano ng mga imported na shabu na ibinebenta sa iba’t ibang lugar sa bansa hanggang sa Visayas at Mindanao.

Inilunsad ang drug bust operation sa pangunguna ni PBGen Romeo Caramat Jr. kasama ang mga tauhan ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Rhodel Sermonia; Regional Intelligence Division (RID); Regional Special Operation Group (RSOG); Regional Drug Enforcement Unit (RDEU); Bulacan Police Provincial Office (PPO) at Marilao Police Station.
Bago ang raid ay nagsagawa ng surveillance at nag-test buy ang mga operatiba at nang magpositibo ay agad sinalakay ang lugar kung saan naaresto ang mga suspek na sina Yuwen Cai, Chinese national at magkapatid na Pinay na sina Angela Miole Tulio at Ma. Lyn Tulio.

Ayon kay Gamboa, kasama sa posibleng sampahan ng kaso ang may-ari ng paupahang bahay na ginawang warehouse.

Ayon naman kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, iniimbestigahan pa ngayon kung may kaugnayan ang warehouse sa Marilao sa naunang natunton na shabu lab sa Sta. Rosa, Laguna kung saan naaresto ang Chinese national chemist na si Samson Tan.

Depensa naman ng suspek na si Angela, live-in partner niya si Cai habang kadarating lamang ng kanyang kapatid na si Lyn at wala silang alam sa ilegal na gawain ni Cai.

“It is one of the biggest drug hauls in the government’s campaign against illegal drugs,” ayon kay Gamboa.

Ang inarestong Chinese suspect ay sinasabing “trusted man” na malalim ang ugnayan sa drug syndicate.

“There was a necessity to conduct surveillance hoping that we may find something here, and it turned out positive,” ani Gamboa.

“With the packaging, we believe that these are importation because we believe, and even PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) believes that there are no longer big laboratories in the country,” ayon pa sa pinuno ng PNP.

Ang nadiskubreng kitchen-type [laboratory] ay kayang mag-produce ng lima hanggang pitong kilo ng shabu sa loob ng isang linggo.

Inihahanda na ng mga otoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon at pagtukoy sa kinaanibang grupo ng mga nahuli. ELOISA SILVERIO

102

Related posts

Leave a Comment