(NI JG TUMBADO)
INIHAYAG ng Department of National Defense (DND) na mayroon silang regular na konsultasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa posibilidad ng pag-aalis ng Batas Militar sa Mindanao.
Ang reaksiyon ay kasunod na rin ng hiling ni Davao City Mayor Sara Duterte na panahon na para tanggalin ang Batas Militar sa lungsod dahil maayos naman aniya ang sitwasyon ng ‘peace and order’ sa kanyang nasasakupan.
Ayon kay Defense spokesperson Arsenio Andolong, bago pa man ang hiling ng Presidential daughter, batid nila na mayroon ng ibang lugar sa Mindanao na payapa na at walang banta ng terorismo.
Dagdag pa nya, sa katunayan ay gusto na nga nilang alisin ang Batas Militar sa Mindanao sa lalong madaling panahon pero dahil wala pa silang kumpletong pagtataya sa seguridad dito kung kaya’t hindi pa nila ito mairekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandan na una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa Korte Suprema nitong Pebrero na irerekomenda nyang tanggalin na ang deklarasyon ng Batas Militar sa Mindanao sa Hulyo 1 kung maamyendahan ang Human Security Act ngunit hindi naman ito naamyendahan.
155