Para pabulaanan ang kumalat na fake news MGA KAWANI NG TANAUAN CITY COUNCIL, ISINAILALIM SA COVID-19 TEST

BATANGAS-Isinailalim sa swab testing ang mga empleyado ng Sangguniang Panlungsod ng Tanauan matapos kumalat ang mga balita na ilan sa mga ito ang positibo sa COVID-19 na labis ikinatakot ng mamamayan ng lungsod.

Base sa resultang inilabas ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ipinarating sa City Health Office, negatibo sa nasabing virus ang mga empleyado.

Nauna na ring nagpalabas ng pahayag ang tanggapan ni Tanauan City Vice Mayor Jun-Jun Trinidad na pinabubulaanan ang ulat at tinawag itong ‘fake news’.

Nakaranas umano ng diskriminasyon ang mga empleyado ng tanggapan ng Sangguniang Panlunsod bunga ng mga kumalat na balita.

Samantala, matapos buksan ang Isolation Facility para sa mga PDL o Persons Deprived of Liberty nitong nakaraang Mayo 21 sa Ibaan, Batangas, nagpalabas din ng pahayag ang DOH-CALABARZON na huwag mangamba at huwag mag-panic ang mga residenteng malapit sa lugar.

Paliwanag ni DOH 4-A Regional Director Dr. Eduardo Janairo, “Nauunawaan ko po ang inyong pangamba at makaaasa po kayo na hindi kakalat ang COVID-19 sa inyong lugar dahil magiging ligtas at pagbubutihin namin ang aming pagbabantay at pangangalaga sa kalusugan ng mga kababayan natin na mailalagay sa ating quarantine at isolation facility na nasa inyong bayan, katuwang natin dito ang ating kapulisan at ang inyong lokal na pamahalaan.”

Dagdag pa ni Dr. Janairo, kailangan na may isang pasilidad sa bawat probinsya sa CALABARZON na pagdadalhan ng mga may Covid.

Sa huling datos ng DOH 4-A mula Mayo 23, mayroong 1,462 kaso na ng COVID-19 sa rehiyon. Kasama rito ang isang kumpirmadong may Covid mula sa bayan ng Ibaan na mayroong 52,970 populasyon, ayon sa huling census. CYRILL QUILO 

81

Related posts

Leave a Comment