PATAY SA BAGYONG ENTENG NADAGDAGAN

UMAKYAT na sa 13 katao ang iniulat na nasawi bunsod ng walang tigil na pag-ulan dulot ng Bagyong Enteng na pinalakas pa ng nararanasang Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa disaster response agencies at nakalap na datos mula sa local government units.

Gayunman, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pawang under validation pa ang initial reports mula sa CALABARZON, Regions 6 at 7. Sampu pa lamang umano ang kanilang kinumpirmang reported death.

Pahayag ng Office of Civil Defense (OCD), ang implementing arms ng NDRRMC, kahapon ng umaga, ang bilang ng mga nasawi ay sanhi ng naganap na landslides at mga pagbaha sa bahagi ng Luzon at Metro Manila.

Ayon kay OCD spokesperson Edgar Posadas, karamihan ng mga nasawi ay dahil sa pagkalunod at pinangangambahang lumobo pa ang nasabing bilang.

Kabilang sa inisyal na mga ulat ang pitong nasawi sa Antipolo sanhi ng landslides kung saan may apat pang pinaghahanap.

Isang lalaki rin ang iniulat na namatay nang tamaan ng gumuhong pader sa ulo. Isang buntis din ang kabilang sa nasawi habang may isang namatay nang makuryente nang biglang tumaas ang tubig baha sa kanilang lugar, habang isang sanggol ang nalunod.

Dalawang bangkay ng mga biktima ng landslide ang narekober ng Search and Retrieval Team sa Barangay Sto. Niño, Biri, Northern Samar, bandang alas-11:00 nitong Martes ng umaga.

Kinilala ang mga biktimang sina Federico Galvan Sabangan Sr., 76, at ang anak nitong si Federico Acuña Sabangan Jr., 29, residente ng lugar.

Ang mga biktima ay natakpan ng gumuhong lupa dahil sa ulan na dala ni Bagyong Enteng sa Northern Samar, bukod pa sa apat na sugatan na patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
May dalawa ring iniulat na nasawi sa Cebu bunsod ng landslide.

Samantala, umabot na sa 37,867 pamilya o katumbas ng 147,000 mahigit na indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 338 na mga barangay sa Regions 3, 5, 6, 7, Calabarzon at NCR. (JESSE KABEL RUIZ)

57

Related posts

Leave a Comment