PNP MAY PERSONS OF INTEREST NA SA EASTMAN ABDUCTION

KINUMPIRMA kahapon ng Philippine National Police (PNP) na mayroon na silang dalawang persons of interest (POI) sa pagdukot sa isang American content creator noong Huwebes ng gabi sa Sibuco, Zamboanga del Norte.

Ayon kay PNP-Public Information Office (PNP PIO) Chief PBGen. Jean Fajardo, may nabuo na silang composite sketch ng posibleng suspek at kasalukuyang inaalam ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang 2 POIs sa local terrorist group.

Ani Fajardo, base sa salaysay ng mga testigo, nakita nila ang isa sa apat na mga suspek na dumukot kay Elliot Onil Eastman dahil wala itong takip sa mukha habang inaayos ang bangka kung saan isinakay ang biktima.

“Nu’ng pinasok po ‘yong bahay po ng biktima ay kasama niya doon ang kanyang asawa at ‘yong kanyang mga in-laws po at accordingly, doon sa mga nakausap na mga witnesses, one of the suspects ay apparently ay wala naman pong takip sa mukha at nakita po doon na sinasabi inaayos diumano ‘yong isang banca po doon. So, may mga composite artist sketch na po tayo. Noong ipinakita itong picture po na ito at even sa mga rogues gallery natin ay na-identify po ng mga witness. So, ito po ‘yong mga naging lead kung bakit na-identify po natin,” ani Fajardo.

Mayroon na rin aniyang composite sketch at alias ang suspek, ngunit hindi muna isasapubliko ng pulisya hangga’t nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Sa ngayon, wala pa aniyang indikasyon na nakalabas na ng Zamboanga del Norte ang bangkang sinakyan ng mga suspek kasama ang biktima.

Patuloy ring sinisilip ang anggulong kidnapping dahil hanggang sa mga oras na ito ay wala namang demand na ransom ang mga abductor.

Hanggang kahapon ay wala pang inilalabas na proof of life ang mga awtoridad, limang araw matapos ang pagdukot.

Kinumpirma rin ng PNP na nakaalis na sa Zamboanga del Norte ang ilang ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na nangangalap ng impormasyon ukol sa hinihinalang pagdukot sa American vlogger.

Una nang bumisita ang mga FBI Agent sa opisina ni Mayor Joel Ventura ng Sibuco, Zamboanga del Norte.

Kasunod nito ay bumisita rin umano ang mga ahente sa asawa ng biktima at kinausap ang kanyang mga kaanak.

Ayon naman sa US Embassy sa Manila, ang FBI ay nakikipagtulungan sa mga local police sa kanilang paghahanap kay Eastman.

Giit ng US Embassy, prayoridad ng US Department of State ang kaligtasan at kapakanan ni Eastman.

Sa kasalukuyan ay bumuo na ang Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9) ng Critical Incident Management Task Group (CIMTG) para mag-imbestiga at manguna sa pagsagip kay Eastman.

Bukod sa PNP, tumutulong na rin ang Armed Forces of the Philippines para matunton ang lokasyon ng naturang dayuhan at matukoy kung sino ang dumukot sa kanya.

Ayon pa kay Police Brigadier General Fajardo, wala pa silang katibayan na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng pagdukot lalo pa at karamihan sa mga kasapi ng ASG ay na neyutralisa na sa Zamboanga at kalapit na island of Sulu.

“So far, there is no indication pa na nakatawid po ito ng either Basilan or Sulu po. But just the same, binabantayan [ng mga pulis] ang kanilang coastal and nag-activate na rin po tayo ng mga border control din po natin to check nga po at siguraduhin na hindi po makakalabas ng within Zamboanga del Norte ito pong ating mga suspects po,”ani Fajardo. (JESSE KABEL RUIZ)

33

Related posts

Leave a Comment