(NI BETH JULIAN)
KUMIKILOS na ang Presidential Task Force on Media Security sa insidente ng pananambang at pagpatay sa isang radio broadcaster sa Kidapawan, North Cotabato.
Ayon kay PTFoMS Usec. Joel Egco, sa ngayon ay may inisyal na silang impormasyon kaugnay ng insidente.
Base ulat, tinambangan ang biktimang si Eduardo Dizon, anchor sa Brigada News FM, sa Kidapawan habang pauwi sa kanyang bahay sa Makilala, noong Hulyo 10, alas 10:35 ng gabi.
Sa kabila ng mga tama ng bala sa katawan ay nagawa pa ni Dizon na maitabi ang minamaneho niyang sasakyan pero nalagutan din ito ng hininga.
Sa talaan ng PTFoMS, ang Mindanao Region ang may pinakamaraming insidente ng media killings mula pa noong 1986.
Napag-alaman na si Dizon ay tumakbong konsehal ng bayan sa Makilala at naging station manager ng Brigada News sa lugar.
295