MATAPOS ang nararanasang mga pag-ulan at pagbaha, niyanig naman ng magnitude 5.6 na lindol ang island municipality sa Northern Quezon dakong alas-7:16 nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), natagpuan ang epicenter ng lindol, may 37 kilometro sa silangan ng Jomalig, Quezon na naitala bandang 7:16 ng umaga.
Sinasabing tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 10 kilometro.
Samantala, walang inaasahang pinsala subalit nagbabala ang Phivolcs sa mararanasang aftershocks matapos ang lindol na naramdaman hanggang Quezon City.
Nabatid na sinundan na ito ng ilang pang pagyanig bandang 7:24 ng umaga na may lakas na 3.8 magnitude; at isa pang magnitude 1.8 na may lalim na 6 na kilometro dakong alas-7:29 ng umaga.
Ayon sa Phivolcs, inaasahan pa ang mga aftershock.
Naramdaman din ang lindol sa mga bayan ng mainland ng Quezon province at sa Lucena City at maging sa Laguna at Rizal.
Ayon naman sa Quezon PDRRMO, wala pang reported damage sa mga katabing lugar sa Polillo Group of Islands at maging sa mainland Quezon.
Naramdaman din sa ilang lugar sa Bicol Region ang malakas na pagyanig ng lupa matapos tumama ang magnitude 5.6 na lindol sa Jomalig, Quezon
Sa Bicol Region, naramdaman ang iba’t ibang instrumental Intensities: Intensity IV sa Jose Panganiban, Camarines Norte; Intensity III sa Daet, Camarines Norte at Tinambac, Camarines Sur; Intensity II sa mga bayan ng Sagnay, Pasacao, at Ragay sa Camarines Sur; habang Intensity I naman sa Iriga City, Camarines Sur at Tabaco City, Albay.
Samantala, agad na sinuspinde ni Camarines Norte Governor Dong Padilla ang klase sa lahat ng antas sa probinsya, pampubliko man o pribado, upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante mula sa posibleng aftershocks.
Magsasagawa naman ang PDRRMC Camarines Norte ng safety inspections sa mga gusali ng paaralan.
Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon at nagpapaalala sa publiko na manatiling kalmado at mag-ingat. (JESSE KABEL RUIZ)