REKLAMO SA PEKENG DOJ LAWYER, DUMAGSA

DUMAGSA pa sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Sariaya, Quezon ang mga nabiktima ng nagpakilalang abogado na konektado umano sa Department of Justice (DOG) at nangakong tutulong para makalaya ang asawa ng mga biktima na lahat ay nakakulong dahil sa kasong ilegal na droga.

Nitong Miyerkoles ng hapon, magkakasamang dumating sa Sariaya police station sina Adora Pacia Ilagan, Jeara Rosales Gagalac, Jennifer Dela Peña Dando at Lorna Artificio Rasay, mga residente ng Barangay Bogon at Sampaloc 2, para ireklamo ang suspek na si John Ezekiel Trivor Medrano Panaligan, 35, tubong Canumay West, Quezon City.

Ayon sa mga ginang, hiningan sila ng pera ng suspek upang ayusin umano sa DOJ ang kaso ng kanilang mga mister na lahat ay nakakulong sa Sariaya dahil sa kasong ilegal na droga.

Umaabot sa halagang ₱115, 000.00 ang nakolekta ng suspek sa apat na ginang na gagamitin anya bilang pang-process sa DOJ.

Subalit nalaman ng mga biktima na pekeng abogado ang suspek matapos itong maaresto ng mga tauhan ng Sariaya police noong nakaraang May 4 sa entrapment operation sa isang fast food reataurant sa nasabing bayan dahil sa kaparehong modus.

Nakakulong na sa Sariaya police station lock-up cell ang suspek.

Bukod sa kasong Robbery Extortion na unang isinampa ng pulisya, sasampahan pa rin ang suspek ng panibagong kaso na large scale stafa. (NILOU DEL CARMEN)

32

Related posts

Leave a Comment