RIDER TINUMBOK NG BIKE, PATAY

CAVITE – Nalagutan ng hininga ang isang 51-anyos na motorcycle rider makaraang umano’y tumbukin sa likurang bahagi ng isang bisekleta sa bayan ng Naic sa lalawigang ito.

Isinugod sa San Lorenzo Ruiz Hospital ang biktimang si Esteban Bernal, may asawa, ng Poblacion, Indang, Cavite ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Antony Macario ng Naic Municipal Police Station, minamaneho ng biktima ang kanyang itim na motorsiklong Honda Wave at binabagtas ang kahabaan ng Naic-Indang Road dakong alas-7:00 noong Lunes ng gabi.

Ngunit pagsapit sa Brgy. Calubcod ng naturang bayan nang matumbok siya mula sa kanyang likuran ng minamanehong bisekleta ni Renante Aguinaldo, 38, ng Brgy. Calubcob, Naic, Cavite, habang angkas nito si Mariz Eridao, 26-anyos.

Bunsod nito, bumagsak at tumama ang ulo ng biktima sa semento dahilan upang isugod sa ospital ngunit binawian ng buhay.

Ngunit ayon sa imbestigasyon, bago nangyari ang insidente ay nakita ng ilang saksi habang pagewang-gewang sa pagmamaneho ang biktima at mabagal ang patakbo nito.

Ayon naman sa mga kamag-anak nito, may sakit sa puso ang biktima kaya hinihinalang sinumpong ito habang nagmamaneho.

Hindi na sinampahan ng kaso ang nagmamaneho ng bikseleta na naniniwalang aksidente ang nangyari. (SIGFRED ADSUARA)

73

Related posts

Leave a Comment