SANGGOL SA DAVAO, NAMATAY SA COVID-19

DAVAO City – Nababahala ang Police Regional Office (PRO) sa Davao Region makaraang mapaulat na isang sanggol ang namatay sa loob ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP)-Haran dahil sa pneumonia, isang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kasalukuyang pinangangambahan ang posibleng kontaminasyon sa loob ng pasilidad kung saan pansamantalang naninirahan ang 700 mga Lumad.

Ayon kay PRO-Davao Director Police Brigadier General Filmore Escobal, nakatanggap sila ng report na isang 8-buwan gulang na sanggol ang namatay sa loob ng haran.

Inilibing umano sa Madapo Cemetery ang sanggol noong Mayo 9 matapos mamatay ngunit hinukay noong Mayo 13 ng mga tauhan ng Davao City Police Office (DCPO), Scene of the Crime Operatives (SOCO) at mga opisyal ng 8-A Poblacion District, Bankerohan upang isailalim sa awtopsiya.

Una nang ibinunyag ng social workers ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na sa kanilang pamamahagi ng relief goods sa UCCP Haran sa Father Selga Street, kanilang nabatid na isang mentally-challenged ang ina ng sanggol.

Sa kasalukuyan, wala pang resulta ang imbestigasyon kung “infected” nga ang sanggol ngunit tinitingnan nila ang posibilidad na namatay ito sa COVID-19 kaya posibleng malagay sa peligro ang mga tao sa loob ng pasilidad.

Sa datos ng Department of Health (DOH)-XI nitong lungsod noong Sabado, nadagdagan ng walong bagong kaso ng coronavirus, habang nasa 248 na ang positibo sa COVID-19 sa Davao Region.

Samantala, nasa 125 ang nakarekober matapos gumaling ang lima katao at napako naman sa 25 ang bilang ng mga namatay, ayon sa DOH-XI. (DONDON DINOY)

229

Related posts

Leave a Comment