(NI FROILAN MORELLOS)
IKINASA ang ikalawang search and rescue operation ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa naglahong Orient Aviation Beech craft 55 (BE55) na nawala noong May 17 nang mag takeoff sa San Jose Mindoro Airport.
Ito ay bilang pagsunod sa kahilingan ni Dr. Abdullah Al Bussairy , Ambassador ng Saudi Arabai upang makita ang katawan ng Saudi Arabian student na si Abdullah Khalid Al Sharif na kasama o sakay sa bumagsak na training plane.
Kasama sa search and rescue group na binuo ng CAAP ang Security Intelligence personnel ng ahensiya at ilang tauhan ng security team ng Saudi Arabian Embassy .
Napag-alaman na kasama rin sa grupo ang isang technician at dalawang Filipino divers na siyang sisisid sa karagatan kung saan hinihinalang bumagsak ang missing plane.
Nakarating din sa kaalaman ng CAAP na nagpadala na rin ng SONAR equipment para mapadali ang paghahanap ng mga debris ng naturang eroplano .
Gayunman, wala pang malinaw na balita sa kinaroroonan ng nawawalang eroplano sa kabila ng paggamit ng makabagong equipment sa search and rescue operation.
1818