SJDM LGU maglalaan ng libreng pabahay SUPORTA SA NPA BINAWI NG 224 BAYAN MUNA, KADAMAY MEMBERS SA BULACAN

MAY kabuuang bilang na 224 na pawang miyembro ng makakaliwang grupong Bayan Muna at Kalipunan na Damayang Panlipunan (Kadamay) ang kumalas na sa kanilang grupo, kasabay ng pagbawi ng suporta sa CPP/NPA.

Ang pagkawala ng kanilang karapatan mula sa kinaaanibang grupo ang naging dahilan upang lantarang ihayag ng mga miyembro ang pagkalas sa kani-kanilang samahan sa isang seremonyang ginanap sa San Jose Del Monte Covered Court sa Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.

Ang naturang seremonya ay pinangunahan ni P/Gen. Valeriano De Leon, Director ng PNP Region 3, SJDM Mayor Arthur Robes, Bulacan Provincial Director P/Col. Lawrence Dalipe at iba pa. Isinauli ng mga nagbalik-loob na miyembro ang kanilang IDs sa dating kinaaanibang grupo at nanumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas bilang tanda ng kanilang pagbawi ng suporta sa komunistang grupo.

Kabilang sa mga bumawi ng supporta ang isang armadong kasapi ng New People’s Army, apat na miyembro ng National Democratic Front, tatlong organazers at isang lider ng mga kabataan.

Ang inisyatiba ay pinangunahan ni P/Lt. Col. Fitz Macariola, Acting Force Commander of Region 3 PNP sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na naglalayong wakasan ang dekada ng armadong pag-aalsa sa pamamagitan ng tinaguriang Whole of Nation approach.

Sa kanyang pagsasalita sa naturang okasyon, sinabi ng Bayan Muna organizer na itinago sa alyas “Ka Jenny” na sinuportahan nila ang komunistang grupo dahil sa pangako ng kanilang lider na libreng pabahay at edukasyon sa kanilang mga anak, kapalit ng suportang pinansiyal at iba pa sa organisasyon. Gayunman, nabigo ang lahat ng pangako at wala rin silang nakuhang suporta sa grupo sa panahon ng kanilang pangangailangan. Nangako rin siya na tutulong na himukin ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay na hanggang sa ngayon ay kaparte pa rin ng organisasyon.

Sinabi naman ni Major Carl Sanchez, commander ng 301st brigade na 95 porsiyento ng mga bumawi ng suporta sa makakaliwang grupo ay naninirahan sa Pabahay 2000 sa SJDM. Ang naturang grupo ang ilegal na umokupa sa pabahay ng pamahalaan noong 2013 at mula noon ay sila na ang napagkukuhanan ng suporta ng grupong CPP/NPA na naka-base sa Bulacan.

Idinugtong ni Sanchez na daan-daan pa ang mga residente ng Pabahay 2000 ang nagsisilbing taga-suporta ng komunismong grupo.

Ang iba namang nagbalik-loob ay kabilang sa Kadamay group na umokupa sa proyektong pabahay ng NHA na wala pang naninirahan sa Pandi, Bulacan noong Marso, 2017.

Tiniyak naman ni Mayor Robes na tutulungan ng lokal na pamahalaan ang mga nagbalik-loob sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng pabahay, pangkabuhayan, pagsasanay at tulong panlipunan bilang panimula sa kanilang pagbabagong buhay. Sinabi ng alkalde na magiging katuwang niya si SJDM Rep. Florida Robes upang mapagkalooban ng magandang buhay ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan.

“We will work closely with the NHA to formulate an order to enable them to own housing units that are available in SJDM and give them livelihood assistance to bring them employment,” pahayag ng alkalde.

47

Related posts

Leave a Comment