(NI BONG PAULO)
KIDAPAWAN CITY – Binuo na ng Kidapawan City PNP ang special investigation team na tututok sa kaso ng pagpatay kay Eduardo ‘Ed’ Dizon ng Brigada News FM Kidapawan.
Ayon kay Police Lt. Col. Joyce Birrey, ang hepe ng Kidapawan City PNP itinaas na nila sa provincial level ang imbestigasiyon upang masusing siyasatin ang lahat ng anggulo sa motibo sa pagpatay sa biktima.
Una na ring kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Kidapawan City Chapter ang nagyaring pagbaril at pagpatay sa mamamahayag kay Dizon sa Kidapawan City.
Sa ipinalabas na pahayag ng NUJP matapos ang walang-awang pagpaslang sa mamamahayag ay sinabi nitong malaking hamon ito sa mga kinauukulan.
Nais ng samahan na mapabilis ang pag-iimbestiga at hinihiling rin ang agarang pagresolba sa kaso.
Nabatid na ang sinapit ni Dizon ay ang kauna-unahang kaso ng pagpaslang ng isang mamamahayag sa lungsod.
Dagdag pa rito na siya rin ang ika-13 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng Duterte administration at siyang ika-186 na biktima mula taong 1986.
Kaugnay nito, napag-alaman na una nang dumulog sa himpilan ng pulisya ang radio anchor dahil nakatanggap umano ito ng banta sa kanyang buhay at hinahamon pa ng barilan ng isa pang media na nangangasiwa sa KAPA sa lungsod.
Sa panig naman ng nasabing organisasyon, hustisya pa rin ang sigaw nito lalo pa’t maraming kaso na rin ng pagpatay sa mga mamamahayag na hanggang ngayon wala paring nakakamit na hustisya.
Ang mga labi ni Dizon ay nakaburol ngayon sa Wood Haven sa Barangay Sudapin at nakatakdang ilibing sa Hulyo 17 sa Kidapawan City Memorial park.
401