BATANGAS – Nanawagan ng tulong, relief goods, at iba pang pangunahing pangangailangan ang ilang mga residente at survivors sa nangyaring landslide sa Sitio Siaten, San Sebastian sa bayan ng Balete.
Ayon sa mga residente, kailangan nila ng mga pagkaing de lata, bigas, noodles, malinis na tubig, hygiene kits – mga gamot tulad paracetamol, at ganoon din ang para sa ubo at sipon – mga kumot at damit dahil halos wala silang naisalba sa biglaang pangyayari sa kanilang komunidad sa kasagsagan ng bagyo noong Huwebes
Samantala, hanggang sa kahapon ay wala pa rin kahit isang narerekober sa anim pang magkakaanak na nawawala sa pagguho ng lupa at pagbaha.
Sa bahagi na ng lawa ng Taal naka-concentrate ang rescuer matapos na anurin ng tubig at itulak ng rumagasang mga lupa ang bahay na kinaroroonan ng magkakapamilya,
Nalubog na rin sa lawa ang ibang mga kabahayan na dati ay nasa mga pampang dahil sa paglaki ng tubig dito dahil sa pag-ulan.
Kinilala ang mga nawawala pa na sina Rodrigo Falceso, 47; Analyn Mendoza, 39; Jemalyn Mendoza, 22; Rogelio Mendoza, 56; Rowena Mendoza, 51, at Jessie Ocampo, 29-anyos.
Nakuha na ang labi ng 84-anyos na si Simplicio Mendoza na kanilang pinaka-padre de pamilya. (NILOU DEL CARMEN)
34