BATANGAS – Patay ang isang drug personality habang dalawang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sugatan sa ikinasang drug buy-bust operation na nauwi sa engkwentro sa bayan ng Balayan, sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office, isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Regional Office IV-A, Batangas Provincial Office, at PDEA SIU Batangas, ang operasyon laban sa mga suspek na sina alyas “Michael”, 40, at “Dee Jeff”, 31, sa lugar ng mga ito sa Brgy. District 1, Balayan dakong alas-4:30 ng hapon.
Subalit nakatunog ang mga suspek na nagresulta sa barilan.
Kapwa tinamaan ang suspek na si Michael at ang agent na si Kim Patrick John Dela Cruz samantalang bahagya namang nasugatan ang isa pang operatiba na si Joven Sevilla, parehong agent ng Batangas PDEA.
Isinugod ang tatlo sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ang suspek.
Naaresto naman ng ibang mga tauhan ng PDEA ang suspek na si Dee Jeff.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang ng 20 gramo at nagkakahalaga ng P136,000, gayundin ang ang isang .22 kalibreng baril ng mga suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
248