(NI JG TUMBADO)
BINALOT ng kaguluhan ang ilang lugar sa Mindanao partikular sa Cotabato City at Maguindanao kaugnay sa ginanap na plebisito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL na nagsimula kaninang umaga.
Bago ang botohan, ginulantang ng dalawang malakas na pagsabog ang residente sa Barangay Mother Rosary Heights sa Cotabato City alas 9 ng gabi ng linggo.
Batay sa report na ipinarating kay Chief Supt. Graciano Mijares, Regional Director ng Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM), pinasabugan umano ng granada nang dalawang lalaking sakay sa isang motorsiklo ang harapang bahagi ng bahay ng 53 taong gulang na Municipal Trial Court Judge na si Rosalito Rasalan sa naturang lugar.
Isa pang MK2 fragmentation handgrenade ang nadiskubre ng rumespondeng Bomb Ordnance Unit ng Cotabato City Police Office (CCPO) na nakatanim sa tapat din ng bahay ng naturang hukom kung saan ay doon na mismo sa lugar nai-defuse ito.
Naniniwala ang pulisya na ang insidente ng pagpapasabog at tangkang pagpapasabog sa bahay ni Rasalan ay may kinalaman sa pagiging hukom nito at hindi kunektado sa ginanap na plebisito para sa BOL.
Wala namang nadamay na indibidwal na residente sa lugar dulot ng pangyayari.
Ang bayan ng Cotabato ay isa lamang sa mga lugar na pinagdadausan ng plebisito para sa ratipikasyon ng BOL.
Samantala, isa rin na pampasabog ang narekober din ng mga awtoridad malapit sa bisinidad ng Roxas National High School sa Cotabato City.
Natagpuan ang granada sa isang sari-sari store sa panulukan ng Sausa at San Juan Street sa Barangay Rosary Heights 1.
Isa umanong may-ari ng tindahan ang nakadampot sa pampasabog na unang inakalang laruan pero nang suriing mabuti ng isa pang residente ay sinabing tunay na Granada ito.
Matagumpay naman na nai-detonate ang bomba gamit ang sako at buhangin.
Naging tensyonado naman ang loob ng compound ng Cotabato Chinese Institute (CCI) kung saan ginanap ang plebisito kaugnay ng BOL dahil sa nangyaring pambubogbog sa dalawang lalaki na umanoy mga ‘flying voters’.
Nangyari ang komosyon ilang sandali nang sumigaw ng malakas ang isang bumuboto sa presinto.
Inireklamo umano ng isang babae ang pagpasok sa loob ng polling precinct ng dalawang lalaki na hindi naman residente sa lugar at walang maipakitang lehitimong ID ang mga ito.
Dito na umano pinagsusuntok ng ilang mga kalalakihan ang dalawang ‘flying voters’ hanggang magkahabulan pa sa loob at labas ng compound ng CCI.
Agad din namang nahinto ang sakitan at gulo sa lugar nang rumesponde na ang pulisya na nagbabantay ng seguridad.
Isang babaeng botante naman na umanoy hindi nakapag-aral ang nagreklamo matapos na gawing “yes” ng isang hindi tinukoy na guro ang kanyang boto na dapat ay “no”.
Agad namang napasugod sa lugar si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi upang samahan ang botante sa paghahain ng reklamo laban sa sangkot na guro.
Sa taya ng mga awtoridad, nasa mahigit 2.5 milyon mula sa 2.8milyon registered voters ang inaasahang lalahok sa kauna unahang plebisito sa Mindanao para sa BOL.
304