TIRADOR NG BATERYA SUGATAN SA SEKYU

CAVITE – Nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang lalaki makaraang barilin ng isang security guard nang tangkang agawin ang service firearm nito, habang pinaghahanap ang dalawa nitong kasamahan matapos maaktuhan habang ninanakaw ang baterya ng trailer truck at copper wires sa loob ng isang kumpanya sa Carmona City noong Miyerkoles ng gabi.

Naka-hospital arrest sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila ang suspek na si alyas “Mario” dahil sa tama ng bala sa leeg mula sa service firearm ni Josiel Barsuleo, security guard ng Marovill Consolidated Resources Corp., sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang dalawa pang kasama ng suspek na tumakas at dala ang tinangay na baterya at copper wires.

Ayon sa ulat, naaktuhan ng security guard na si Barsuelo ang mga suspek habang tinatangay ang baterya ng isang trailer truck at mga copper ng welding machine bandang alas-11:50 ng gabi sa loob ng kumpanya.

Tinangka ni Barsuelo na pigilan si Mario at tangkang arestuhin ngunit tinangkang agawin nito ang kanyang service firearm dahilan upang barilin ang suspek, habang nakatakas ang dalawang kasama nito. (SIGFRED ADSUARA)

10

Related posts

Leave a Comment