‘TOSS COIN’ MAYOR, PUMANAW NA

BULACAN – Pumanaw na ang masipag na alkalde ng Bocaue, Bulacan na si Mayor Eleanor “Joni” Villanueva-Tugna na tinaguriang “The Toss Coin Mayor” mula sa ilang linggong pagkakaratay sa St. Luke’s Medical Center sa Global City sa Taguig City noong Huwebes ng hapon.

Ang kanyang maagang paglisan ay ikinagulat ng mahigit 6 milyong miyembro ng Jesus Is Lord (JIL) at mga Bulakenyos lalo na ang mga kapwa niya Bocaueños na nagdadalamhati at nagluluksa sa maagang pagkamatay ng ina ng bayan ng Bocaue.

Sa text message, sinabi ni Atty. Gidgette Villanueva, pinsan at dating municipal administrator ni Mayor Tugna, ang sanhi ng pagkamatay ng alkalde ay sepsis secondary to bacterial pneumonia.

Si Tugna ay 42-anyos at kasalukyang nasa ikalawa nitong termino bilang local chief executive ng lokal na pamahalaan ng Bocaue.

Nitong nakaraang buwan habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic, habang nagsasagawa ng relief packing operation, sinabi ni Mayor Tugna na siya ay na-diagnosed nitong Marso na mayroong autoimmune disease.

Autoimmune disease ay isang rare disease na inaatake ng immune system ng katawan ang sariling tissues at organs na maaaring makaapekto sa body systems kabilang ang joints, skin, kidneys, blood cells, brain, heart at lungs. (ELOISA SILVERIO)

72

Related posts

Leave a Comment