YATE INAKALANG CHINESE MILITIA VESSEL HINARANG SA SBMA

(NI JG TUMBADO)

NABULABOG ang pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa isang foreign vessel na umanoy bigla na lamang nakapasok sa karagatang sakop ng Freeport Zone sa pag aakalang barko ito ng pandigma ng China nitong Linggo.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Harbor Patrol Group ng Law Enforcement Department (LED) ng Subic Bay Metropolitan Authority at PNP Maritime Police kung saan hinarang ng mga ito ang barko habang nag-aangkla sa bahagi ng Camayan Cove.

Subalit matapos ang isinagawang pagbusisi nang husto ng mga awtoridad sa foreign vessel ay dito napag-alamang isa palang pleasure yacht o tourist ship ang barko at hindi Chinese militia vessel  gaya ng unang inakala.

Ayon kay SBMA Chair at Administrator Atty. Wilma T. Eisma, natukoy ang barko bilang MV Balena II, na nakarehistro sa isang Belgian national na si Didier Ladriere, isang locator sa SBMA at nag mamay ari ng Urban Deli restaurant sa Subic Freeport.

“It really caused some alarm among those monitoring the incident on social media, especially when it was falsely identified as having entered Subic without informing authorities. But thank God it soon checked out,” pahayag ni Eisma.

Tinawagan pa umano ni Eisma sina National Security Advisor Sec. Hermogenes Esperon Jr at Defense Chief Sec. Delfin Lorenzana para sa koordinasyon kaugnay ng pangyayari.

Sa investigation report ng Seaport Department, lumalabas na isang yate ang napagkalamang war ship ng China, na may habang 40 metro at lumalayag sa karagatang sakop ng SBMA.

Nasa walong Chinese nationals ang sakay sa yate na umanoy pawang mga bisita ng may-ari na si Ladriere.

Nag-ugat ang pagkabahala ng SBMA ng walang anumang sagot ang MV Balena II sa mga tawag ng port authorities kaya’t pinalalagay na ito ay isang Chinese militia vessel na basta na lamang pumasok nang walang abiso.

Ipinaliwanag naman ni Ladiere na kaya’t hindi makasagot ito sa radio ay dahil naiwanan palang nakapatay ang kanilang VHF radio communication sa buong araw nilang paglalayag.

 

160

Related posts

Leave a Comment