AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
HINDI dapat ginagawang biro ang nangyayaring mga lindol sa iba’t ibang lugar sa bansa dahil maselang usapin ito at mapanganib.
Nagbabala ang Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) laban sa kumakalat na social media predictions tungkol sa umano’y paparating na malakas na lindol.
Ayon sa ahensya, wala pang teknolohiya na kayang hulaan kung kailan at saan tatama ang lindol.
“Walang koneksyon ang mga lindol sa Luzon, Visayas, at Mindanao. May kanya-kanyang fault system ang mga ito,” paliwanag ni Johnlery Deximo, senior science research specialist ng Phivolcs.
“Ang mga kumakalat na prediction ng magnitude 8 o 9 na lindol ay walang katotohanan,” banggit pa niya.
Babala ng Phivolcs, ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon o “content para sa likes” ay nagpapakalat lang ng takot at kalituhan.
Sa halip, hinimok ang publiko na kumuha ng impormasyon mula sa opisyal na Phivolcs channels.
Kamakailan, nagkaroon ng apat na malalakas na lindol sa Davao Oriental at Surigao del Sur — kabilang ang magnitude 7.4 quake sa Manay, Davao Oriental — ngunit nilinaw na ang mga sumunod na pagyanig ay aftershocks lamang at hindi senyales ng mas malaking lindol.
Ang pinakamabuting gawin natin ay magdasal tayo dahil walang ibang magliligtas sa atin sa panahon ng kalamidad kundi ang Ama nating nasa langit.
Kinakailangan din maghanda tayo at makinig sa mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng payo kung ano ang gagawin natin sa sandaling mangyari sa bansa ang tinatawag na “The Big One”.
Isang Facebook page ang naglalabas ng mga video na nagsasabing tatama sa Luzon ang 8.4 magnitude na lindol na tinatawag na “The Big One”. Ang mga clip ay binuo gamit ang artificial intelligence (AI).
Noong nakaraang Oktubre 7, 2025, ang Edukasyon News Channel ay nag-upload ng video na isang reporter na lalaki na nagsasabing “The Big One o malakas na lindol na pwedeng tumama sa buong Pilipinas na may magnitude na 8.4 ay pinaghahandaan na. Good News, pwede nang ma-detect ang parating na lindol sa inyong tahanan sa pamamagitan ng alarm. Makikita ang impormasyon kung paano dito sa post namin at comments section. I-share mo ang balitang ito.”
Nitong Oktubre 11, 2025 ang Vera Files ay naglabas ng kanilang FACT CHECK: The Big One Not coming, earthquake alarm MISLEADING. Ang tinutukoy ay ang inilabas na video ng Edukasyon News Channel na isa umanong Artificial Intelligence (AI) ang ginamit sa nasabing report ng lalaki.
Lumalabas na ang naturang report ay ginawa lamang para makapagbenta ang FB page na ito ng kanilang produktong alarm na makade-detect daw umano ng paparating na malakas na lindol.
Malinaw ang sinabi ng Phivolcs na walang nakakaalam o makahuhula kung kailan mangyayari ang lindol sa Pilipinas.
-oOo-
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
104
