PUMALAG SA KAWATAN, BEBOT TINULUYAN

PATAY ang 26-anyos na babae nang pumalag sa nanloob sa kanyang inuupahang kuwarto sa Caloocan City.

Namatay dahil sa mga saksak sa katawan habang isinusugod ng mga tanod sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Cristina Hipolito habang nahuli naman ang suspek na si Jerome Tayubong, 27, ng #149-D, 11th Avenue Dormitory, Brgy. 90.

Ayon sa ulat, nag-iisa ang biktima sa kanyang nirerentahang silid sa #104 F. Roxas St., 11th Avenue, Brgy. 68, nang pasukin ni Tayubong na armado ng patalim alas-6:30 ng gabi noong Biyernes.

Kinulimbat ng suspek ang mga kagamitan ng biktima kabilang ang tatlong cellular phones at identification cards at nang patakas na ay nanlaban ang biktima kaya agad itong pinagsasaksak.

Narinig ng katiwala ng apartment ang kalabugan at sa tulong ng mga tanod na sina Wilbert Hilario at Manny Corpus ay nasakote si Tayubong habang isinugod ang biktima sa ospital ngunit sa daan pa lamang ay binawian na ito ng buhay.

Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ang isang duguang balisong na ginamit umano ng suspek na in-inquest na sa kasong robbery with homicide sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (ALAIN AJERO)

189

Related posts

Leave a Comment