RAMON ANG – PACQUIAO SA 2022 ‘NILULUTO’ NA

BAGAMA’T isang taon pa bago maghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga kandidato para sa 2022 presidential at local election, binubuo na umano ang tambalan nina Ramon See Ang at Senator Manny Pacquiao.

Sa kondisyong huwag siyang pangalanan kapalit ng impormasyong ito, sinabi ng impormante na itinutulak ng mga taong nakapaligid sa dalawang personalidad ang kanilang tambalan para pamunuan ang bansa simula 2022 hanggang 2028.

“Pinapatakbo si RSA bilang presidente at si MP (Manny Pacquiao) naman ang kanyang vice,” ayon sa impormante kung saan gagamitin ng mga ito ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na kanilang behikulo.

Kapwa bilyonaryo si Ang na President at CEO ng San Miguel Corporation at Pacquiao na tinaguriang Pambansang Kamao.

Ang PDP-Laban ay partido ni Pangulong Rodrigo Duterte na naging behikulo nito noong 2016 presidential election.

Sa kasalukuyan ay chairman ng partido si Duterte habang si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III ang tagapangulo at lider naman ng lapian sa Senado si Pacquiao.

Dahil dito, dalawa na ang maugong na tatakbo sa 2022 election na kinabibilangan ng anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na may sariling partido na Hugpong Ng Pagbabago o HNP.

Lihim umanong binubuo ang tandem nina Ang at Pacquiao sa 2022 presidential election upang hindi umano ito masunog lalo na’t sa Oktubre 2021 pa makapaghahain ng kanilang COC ang lahat ng gustong kumandidato sa eleksyon sa 2022.

“Sikreto pa raw kaya ayaw pa nilang ipaalam sa publiko pero nagsisimula na sila sa preparation. Hindi lang natin alam kung papayag si RSA,” ayon pa sa impormante sa mundo ng pulitika.

Gayunpaman, desidido umano ang mga nasa likod ng tambalang ito sa panliligaw kay Ang habang si Pacquiao ay matagal nang pumuporma para sa mas mataas na posisyon sa susunod na halalan. (BERNARD TAGUINOD)

183

Related posts

Leave a Comment