Sa P243.2-B unprogrammed funds ‘PORK FIESTA’ SA MARCOS ADMIN TULOY SA 2026

TULOY ang “pista” ng gobyernong Marcos Jr. sa pork barrel sa susunod na taon matapos tablahin ng liderato ng Mababang Kapulungan ang panukala ng oposisyon na burahin sa 2026 national budget ang unprogrammed appropriations (UA) — o ang tinatawag na “pork fund” ng mga makapangyarihan.

Ngayong araw, Oktubre 13, inaasahang isasalang sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4058 o 2026 House General Appropriations Bill (HGAB) matapos itong aprubahan sa ikalawang pagbasa nitong Biyernes.

Natalo sa viva voce voting ang oposisyon — kabilang ang Makabayan bloc at Liberal Party (LP) bloc — nang hilingin nilang tanggalin ang P243.2 bilyon UA mula sa kabuuang P6.793 trilyon na pambansang budget. Dahil dito, ayon kay Gabriela Rep. Sara Elago, tuloy ang “pista ng mga makapangyarihan” sa administrasyong Marcos.

“Let’s be clear: this budget is still a pork feast for the powerful. It perpetuates a corrupt cycle where the few in power benefit while the majority suffer,” giit ni Elago. “Ginagawang political capital ang pondo ng bayan imbes na tulong sa mga ordinaryong Pilipino.”

Labis din ang pagkadismaya ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio matapos tanggihan ng supermajority sa Kamara ang safeguards na gusto niyang ipasok para maiwasan ang pang-aabuso sa UA.

“The majority’s rejection of these accountability measures is a clear signal that they want to keep the UA as a slush fund for corruption. Ang tanong: ano ang tinatago nila? Bakit ayaw nilang ibalik ang mga safeguard laban sa pang-aabuso?” tanong ni Tinio.

Isa sa mga panukalang safeguard ni Tinio ay ang pag-alis sa kapangyarihan ng Pangulo na magdesisyon kung saan gagamitin ang UA — upang hindi ito magmukhang personal na pondo ng Malacañang. Gusto rin niyang bawasan ang kapangyarihan ng Department of Budget and Management (DBM) na baguhin ang mga programang sakop ng UA.

“Ito ay reseta para sa korapsyon at pang-aabuso ng pondo ng bayan,” dagdag pa ni Tinio.

Hindi rin maitago ng LP bloc ang pagkadismaya. Ayon kay Akbayan Rep. Perci Cendaña, hindi na nakapagtataka kung bakit patuloy ang katiwalian sa gobyerno dahil sa lump-sum allocations sa ilalim ng UA.

“Wala tayong pagkakataon na busisiin sapagkat ito ay lump-sum allocations. Sa nakalipas na tatlong taon, ito ang lumolobong bahagi ng budget at madalas na ginagamit bilang daluyan ng mga gustong mangurakot sa kaban ng bayan,” ani Cendaña.

(BERNARD TAGUINOD)

78

Related posts

Leave a Comment