INIREKOMENDA ni Senador Bong Go kay Pngulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng imbestigasyon ng Task Force PhilHealth upang sakupin ang iba pang national agencies kasama na ang mga government-owned and controlled corporation na may sinasabing katiwalian.
“Sabi ko nga kay Pangulong Duterte, huwag nating limitahan ‘yung task force po sa PhilHealth. Kung saka-sakali pong kakailanganin ay ibang ahensya naman po ang gawan natin ng task force para mapabilis at makasuhan at pwedeng mai-tap o pakiusapan ang Ombudsman at ang COA at Civil Service Commission na magsuspinde, mag-lifestyle check, mag-audit, mag-imbestiga, makasuhan at makulong ang dapat makulong,” diin ni Go.
Iginiit ng senador na bukod sa paghahain ng kaso, kailangang maisalang sa lifestyle check ang mga tiwali sa gobyerno.
“Dapat po ma-lifestyle check rin po itong mga nauulat na korapsyon sa gobyerno para matingnan po kung saan nila kinukuha ang kanilang pera…. Dapat silipin ‘yan, kasuhan, preventive suspension para hindi po makagalaw, pilayan kaagad para hindi maka-impluwensya sa opisina nila at hindi matago ‘yung mga ebidensya, at kasuhan po,” giit pa nito.
Tiniyak din ni Go na magpapatuloy ang imbestigasyon ng task force kaugnay sa mga sinasabing anomalya sa Philhealth upang matiyak na lahat ng sangkot sa iregularidad ay mapapanagot.
Una nang hinamon ni Go si PhilHealth chief Dante Gierran na agad linisin ang ahensya at tiyaking maibibigay ang maayos na serbisyo sa taumbayan. (DANG SAMSON-GARCIA)
167
