NALUNOD ang isang 2-buwang gulang na sanggol na babae makaraang lumusot sa siwang ng kanilang barong-barong sa ilalim ng tulay at nahulog sa ilog noong Biyernes ng gabi sa Malabon City.
Natuklasan lamang ng pamilya ng biktimang sanggol na si Zoey Joy Bonifacio ang insidente nang magising ang mga ito dakong alas-11:30 ng gabi dahil sa ingay ng likha ng nagkakagulong mga tao na pawang naninirahan din sa ilalim ng tulay sa Estrella St., Brgy. Tanong.
Nang lumabas ng barong-barong si Mary Joy Bonifacio, ina ng sanggol, laking gulat niya nang makita ang anak na nakalutang na sa ilog at wala nang buhay.
Agad namang lumusong sa ilog ang ama ni Mary Joy sa pag-asang mailigtas pa ang apo ngunit wala nang buhay ang sanggol.
Ayon sa pahayag ng ina ng biktima sa Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), katabi niya ang anak, pati na ang kanyang mga magulang, sa pagtulog sa kanilang tirahan sa ilalim ng tulay ngunit nang magising sila ay wala na ang sanggol.
Ayon kay P/Capt. Andres Victoriano, duty desk officer ng Malabon Police, posibleng lumusot sa siwang ng barong-barong ang sanggol nang hindi namamalayan ng kanyang ina, lolo at lola kaya’t nahulog at nalunod sa ilog.
Sinabi ni Mary Joy na hindi nila kaagad nagawang i-report sa pulisya ang insidente dahil sa labis na pagkabigla at pagdadalamhati, bukod pa sa pangambang makasuhan ng pagpapabaya dahil sa pagkasawi ng sanggol.
Nakarating lamang sa kaalaman ng Malabon Police Sub-Station 3 ang pangyayari pasado alas-9:00 na ng umaga nitong Sabado nang ipabatid ng 65-anyos na vendor na si Myrna Esponilla na naninirahan din sa ilalim ng Estrella bridge. FRANCIS SORIANO)
145
