INARESTO ang isang lasing na lalaki nang suntukin ang kapitbahay na pulis dahil sa matandang alitan noong Biyernes ng gabi sa Caloocan City.
Amoy-chico pa nang ibalibag sa selda ang suspek na si Jan Victoriano, 29, ng Phase 9, Package 1, Block 10, Lot 5, Bagong Silang makaraang damputin ni Patrolman Alvin Mariano, 33, na sinuntok ng una.
Dakong alas-9:30 ng gabi, nagpapahangin sa harapan ng kanyang bahay na katabi lang ng tirahan ng suspek, si Mariano nang sumulpot ang lasing na si Victoriano.
Dahil sa kalasingan, naalala ni Victoriano ang dating away nila ni Mariano kaya agad na kinompronta ang pulis.
Minura umano ng suspek ang pulis at sinabing matapang lamang ang huli dahil sa kanyang tsapa, baril at uniporme.
Hinamon pa umano ng suspek ang pulis ngunit nang hindi patulan ay sinapak sa mukha ni Victoriano si Mariano.
Bunsod nito, napilitan ang pulis na dakpin ang suspek at binitbit patungo sa Police Sub-Station 12.
Nahaharap ang suspek sa kasong physical injury at alarm and scandal. (ALAIN AJERO)
210
