PINAYUHAN ng Malakanyang ang mga senior citizen na dagdagan pa ang ginagawang pag-iingat kasunod ng nakitang datos ng DOH sa hanay ng nasa critical cases ng COVID-19.
Sa pinakahuling numerong inilabas ng DOH, tumaas ang porsiyento ng mga pasyenteng nakahanay sa critical status.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, nasa 3 percent na ngayon ang porsiyento ng mga pasyenteng nasa kategoryang kritikal.
Kaya paalala ng Malakanyang lalo na sa mga senior citizen na manatiling nasa bahay lalo’t sila ang madaling kapitan at malalang tamaan ng virus.
Bukod sa mga nasa 60 taong gulang pataas, dapat din ayon kay Sec. Roque na huwag lumabas ng tahanan ang mga kabataan, mga mayroong sakit at buntis.
Sa kabuuang bilang ng COVID 19, 9.2 percent ay asymptomatic.
“Mayroon po tayo ngayong 58,127 aktibong kaso ng COVID-19, at sa numerong ito ay 9.2 po ay asymptomatic, ang mild po ay 86.5%, ang severe ay 1.3%, ang kritikal ay 3% — medyo tumataas po ang kritikal. Iyong mga seniors, iyong mga kabataan, iyong mga mayroon pong mga sakit, buntis, kinakailangan po ay manatili po tayo sa ating mga tahanan,” ayon kay Sec. Roque.
“At lalung-lalo na po ang mga seniors, talagang seniors po ang tinatamaan ng COVID-19 at sila po ang lumulubha,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
132
