HORNETS NASUKOL NG NETS

SIYAM na three-pointers at season-high 50 points ang kinamada ni Kyrie Irving para tulungan ang Brooklyn Nets na putulin ang four-game skid via 132-121 win kontra host Chartlotte Hornets, Martes ng gabi (Miyerkoles sa Manila).

Napasama si Irving sa 22 players sa NBA history na nakapagtala ng limang 50-point games, ayon sa Basketball Reference. Ang kanyang career high 57 points ay naitala noong Marso 12, 2015 nang talunin sa overtime ng Cleveland Cavaliers ang San Antonio Spurs.

Dinomina naman ni Andre Drummond ang loob, tumapos na may 20 points at 14 rebounds para sa Brooklyn, nakabalik sa .500 sa season at nagsosolo ngayon sa eighth place sa Eastern Conference standings matapos kumalas sa katablang Hornets.

Sina Miles Bridges at Terry Rozier ay kapwa may 30 points para sa Charlotte, natapos ang two-game win run. Nagdagdag si LaMelo Ball ng 24 points at seven assists.

Hindi masyadong naram-daman si Kevin Durant na nag-ambag lang ng 14 points, dahil kinontrol ni Irving ang halos kabuuan ng laro. Nagtala si Irving ng 15-of-19 sa field at 9-of-12 beyond the arc. Mayroon din siyang 11-of-13 sa line.

Inangkin ng Nets ang 69-43 lead sa likod ng 20 puntos ni Irving sa first half, habang si Drummond ang namahala sa loob at nagtala ng 13 points at six board.

Naging pabaya naman ang Hornets, paulit-ulit ang errors, maging sa pasahan ng bola, kabilang ang dalawang turnover ni Ball sa magkasunod na posesyon.

Lumamang ang Brooklyn ng 34 points sa second half, bago naibaba ng Hornets sa 13 sa ­huling apat na minuto ng laro.

Ngunit hindi ito hinayaan ni Irving na lumapit pa nang bumato ng jumper para putulin ang rally ng Hornets.

OKC LAMPASO
SA BUCKS

WINASIWAS ni Giannis Antetokounmpo, may 39 puntos at ng Milwaukee Bucks ang host Oklahoma City Thunder, 142-115.
Ikalimang sunod na panalo ito ng Bucks, habang ikatlong sunod na talo naman ng Thunder at 11 sa huling 14 games.

Ang 142 points ng Milwaukee, pinakamalaki ngayong season, ay second-most naman na hinayaan ng Oklahoma City kasunod ang 152-79 loss nito sa Memphis noong Disyembre.

Hindi napigil ng Bucks si Shai Gilgeous-Alexander, may 33 points (11-of-18 shooting), career-high 14 assists at eight rebounds. Sa first quarter pa lang, 13 points, six assists at two steals na ang OKC player.

Si Gilgeous-Alexander ay umi-iskor ng 29 points sa huling pitong laro.

Pero hindi rin naawat ng Thunder si Antetokounmpo, 13-of-19 sa floor. Pasok din lahat ng apat nitong 3-pointers, kabilang ang lampas sa ‘top of the key’ basket sa buzzer ng halftime.
Nagdagdag si Khris Middleton ng 25 points at nine assists sa Milwaukee, habang si Bobby Portis, 18 points at 14 rebounds.

Umiskor ang Bucks ng 39 sa first quarter, at inangkin ang kalamangan hanggang sa kalagitnaan ng period.

Nanatiling mainit ang Bucks sa second period, walong sunod na puntos agad, tatlo mula kay Antetokounmpo.

Angat ng 19 ang Milwaukee bago matapos ang third, bago naibaba sa 12 ng Thunder nang kumana ng seven points.

Pinalobo ng Bucks sa 19 ang abante sa mga unang minuto ng fourth, pero lumaban ang Okla­homa City at nagawang magrali, 7-0 run para maibaba ito sa 12-point deficit, may pitong minuto pa sa laro.

Ngunit natameme ang Thunder sa loob ng tatlong minuto na walang field goal at tuluyan nang lumayo ang Bucks.

MAGIC NALUSAW
SA SUNS

NAIPOSTE  ni Deandre Ayton ang kanyang 20th double-double sa season, habang si Cameron Payne, may 18 points at 12 assists nang lusawin ng Phoenix Suns ang host Orlando Magic, 102-99.

Angat ang Phoenix, 73-58, 3:30 sa third period nang humabol ang Magic at inangkin ang kalamangan sa unang pagkakataon mula sa dalawang free throws ni Wendell Carter Jr., 97-96 sa ­huling 1:51.
Naisalaksak ni Ayton ang bola mula kay Payne at inagaw ng Suns ang abante, 100-97, 12.7 seconds bago nagdagdag si Payne ng dalawang free throws, 6.9 second sa orasan. Tuluyang sinelyuhan ni Mikal Bridges ang panalo matapos supalpalin ang 3-point attempt ni Franz Wagner.

Tatlo sa top six scorers ng Phoenix ang hindi naka­-laro: All-Stars Devin Booker (health and safety protocol), Chris Paul (thumb) at Cam Johnson (quad).

Sa halftime, double-double na ang naitala ni Ayton nang ­kunin ng Suns ang 53-43 lead. Ang 6’11” center ay may 21 points at 19 rebounds para sa Phoenix, winalis ang season series kontra Magic sa unang pagkakataon mula noong 2015-16 season.

Malaki rin ang ambag ni Landry Shamet sa opensa ng Phoenix, umiskor ng 21 points mula sa 6-for-10 shooting (beyond the arc).

Nag-ambag si Bridges ng 13 points at three steals, off the bench ay kumolekta si Aaron Holiday ng 11 points at may ­seven points at 11 rebounds si Jae Crowder.

Ang Orlando, katabla ng Houston Rockets sa NBA’s worst record, ay sumablay sa three-point attempts (7-for-39) at may 12 turnovers.

Sa pagbabalik ni Carter makaraan ang two-game absence, nagsumite siya ng 20 points at 12 rebounds sa kanyang ikapitong sunod na double-double. Nagdagdag si Moe Wagner ng 12 points at seven rebounds off the bench para sa Orlando. May season-high 11 points naman si Markelle Fultz at nine points at 15 rebounds mula kay Mo Bamba.

Sa ibang resulta, rumesbak ang Golden State Warriors mula sa 131-124 loss sa kamay ng Denver Nuggets kamakalawa nang kaldagin ang Los Angeles Clippers, 112-97. Tinalo naman ng Cleveland Cavaliers ang Indiana Pacers, 127-124, habang wagi rin ang Memphis Grizzlies sa New Orleans Pelicans, 132-111.

164

Related posts

Leave a Comment