JOHN ARCILLA GAGANAP NA FR. FERNANDO SUAREZ SA ‘SUAREZ: THE HEALING PRIEST’

AYON sa kuwento ni Direk Joven Tan, ilang araw bago binawian ng buhay ang kilalang healing priest na si Fr. Fernando Suarez noong February 6, 2020 ay masaya pa nitong pinanood ang 90 percent ng kanyang bio flick na pinamagatang Suarez: The Healing Priest.

Si John Arcilla ang napili ni Fr. Suarez na gumanap ng kanyang katauhan sa pelikula. Maraming film producers ang nag-attempt na isapelikula ang buhay niya pero sa Sarangola Media Productions niya ito ipinagkatiwala.

Naging kontrobersyal noon ang sikat na healing priest at aminado si John na isa ‘yon sa naging dahilan kung bakit pinag-isipan niyang mabuti kung tatanggapin ba o hindi ang pelikula.

Ani John, “Actually, ang mas naging problema ko noon ay ‘yung controversy. Sabi ko, ayokong gawin ang pelikula para maging taga-pag-promote lang ako ng mga bagay na hindi totoo. So, kailangan kong alamin.

“Hindi ko ito sinabi kay Father noon, so sabi ko, I really have to meet him para makausap ko siya kasi may controversy nga, eh. Nung makausap ko si Father, nakita ko ‘yung sincerity. Naramdaman ko na ‘yung allegation ay allegation lang talaga, so ‘yon ‘yung nagbigay sa akin ng desisyon para tanggapin ito.

“So hindi ako magiging parang tagapagsalita lang niya kungdi ako ay gagawa ng isang kuwento na makatotohanan at talagang makabuluhan at hindi pantakip sa kung anuman, kasi kung ganun hindi ko tatanggapin.”

Nanghihinayang si John na hindI siya nabigyan ng mahabang panahon para makilala si Fr. Suarez.

“Actually, napakaigsi (ng pagkakilala ko sa kanya), kasi hindi ko naman talaga siya kaibigan, eh. Kakilala siya ng mga sister ko  kasi nag-a-attend sila ng healing mass sa kanya, pero hindi sila personal friends. Naririnig ko siya sa mga ate ko, sa mga kaibigan kong uma-attend, tapos talagang na-meet ko lang siya personally noong story conference naming dalawa.

“Nagkwentuhan kami tungkol sa buhay niya kasi gusto kong makita kung  ano yung delimma, ano ‘yung crisis para maging cinematic ‘yung acting. So, sa maikling panahon na ‘yon, sa pagganap ko ng role niya – kasi galing sa kanya mismo ‘yung ibang mga lines, eh, kung ano ‘yung sinasabi ko.

“Yung mahabang-mahabang interbyu na ‘yon, lalo ko siyang nakilala. Sabi nga niya, ‘Itong healing na ito, regalo sa akin ito ng Diyos, pero kahit na wala ito,’ sabi niya patuloy ang biyaya ng Diyos. ‘Ipagpapatuloy ko ‘yung pagtulong sa mga nangangailangan kahit mawala na ‘yung regalo sa akin ng Diyos na panggagamot,’” lahad pa ni John.

Naibahagi rin ng aktor ang ayon sa kanya ay isang “healing experience” sa yumaong pari.

“Sa right time ko dapat sasabihin sa kanya kung ano yung nangyari sa akin. Kasi bago kami matapos (mag-usap), sabi ko, ‘Father heal me.’ Yumuko ako tapos hinawakan niya yung batok ko.

“Ang nakita ko – alam mo yung image ni Christ na kulay blue lang siya, ‘yung shadow lang ha, ‘yung face lang ha. Tapos tumingin ako sa kanya, nag-smile lang ako.

“Gusto ko lang siyang i-feel at ayoko muna siyang ikuwento kasi baka naman sabihing, ‘Si john, porke sinabing healing priest may pa ganun-ganun na siya,’ pero totoo… totoo. Tapos sabi ko nga sasabihin ko sa kanya sa right time pero hindi ko na masasabi sa kanya,” kuwento niya sa amin.

Eh, ano sa palagay niya ang na-heal sa kanya ni Fr. Suarez?

Sagot ni John, “Actually, hindi ko alam kung anong na-heal sa akin kasi wala naman akong ailment, wala akong sakit, pero the fact na nakita ako ng image, whatever is that, hindi naman ako basta pumikit lang na nakita ko ‘yung image kasi ginanun (hinawakan) niya ‘yung batok ko, so whatever is that,  kahit wala akong nararamdamang sakit nung araw na yon, I’m sure psychologically or emotionally something happened to me.”

Kasama rin sa Suarez: The Healing priest si Dante Rivero, Troy Montero at iba pang seasoned actors.

 

289

Related posts

Leave a Comment