Wala pa raw girlfriend ang anak na lalaki ni Aiko Melendez na si Andrei.
What if may ipakilala itong karelasyon kay Aiko? “Okay lang naman, basta ipakilala naman niya sa akin at dalhin niya sa bahay, hindi ‘yung liligawan niya sa kalye,” sagot ni Aiko. “Kasi kahit papaano, conservative pa rin naman ako, pinalaki ko sila na gusto ko nakikita ko at nakikilala ko, hindi lang ‘yung barkada niya, [kundi pati] ‘yung girlfriend niya.”
Si Marthena naman na ang anak na babae ni Aiko ay si Justin Bieber lang ang crush at wala nang iba pa sa ngayon. Nasa sports daw ang hilig ni Marthena.
Samantala, naudlot pala ang pag-aartista ni Andrei dahil inuna ang pag-aaral. Pero, babalik din daw ito sa pag-aartista kapag nakapagtapos na ng pag-aaral.
Nabanggit namin kay Aiko na may mga nagsasabing bagay sana maging magka-loveteam at magkapareha onscreen sina Andrei at ang anak na babae ni Aga Muhlach na si Atasha Muhlach. “Ay, puwede!,” masayang bulalas ni Aiko.
“Sobrang papayag ako! Magiging presidente pa ako ng fans club nila! Hindi man kami nagkatuluyan, baka sila, di ba? Kung papayag si Charlene,” pahayag ng aktres.
Bago naging mag-asawa sina Aga at Charlene Gonzales, naging magkasintahan sina Aiko at Aga.
Pagkatapos, break muna sa movie industry si Aiko nang pasukin niya ang politika.
Siyam na taong nagsilbing konsehala sa Quezon City si Aiko Melendez (2001-2010), at ngayon ay isinantabi muna niya ang politika para suportahan sa kampanya ang boyfriend niyang si Mayor Jay Khonghun ng Subic, Zambales.
Ano ang pagkakaiba ng pagiging politician at pagiging politician’s girlfriend? “Pag politician ka kasi, iba yung stress mo, eh. Kasi, you’re running your own campaign, ‘di ba? Pero, ‘pag politician’s girlfriend ka, akala mo hindi ka na madadamay sa dumi ng politika, pero pati ikaw pala, damay din! Kumbaga kasi, lalo na nakadikit ako kay mayor ngayon, na he’s running for vice-governor, so kahit ako, ‘dun sa mudslinging damay din ako. Unlike dati na ako lang ang [sapul ng mga pambabatikos ng ma kalaban kong politiko], wala nang madadamay, ‘di ba? I can shield my family, especially my kids. Now, damay-damay, eh.”
Kahit may mga basher, deadma lang sina Aiko at Mayor Jay. “Kami tuloy lang kami sa pagtulong. Tambakan man si mayor ng mga intriga, ng mga negative, wala kaming sasabihin sa mga kalaban namin. Kasi gusto lang naming patunayan na puwede kaming manalo, or kaya naming manalo nang hindi naninira. Dahil ‘yung projects na nagawa ni mayor, ‘yung mga merit niya will speak for [himself] to make him win,” paliwanag ng artista.
Kaya, naniniwala si Aiko na worth it na hindi muna siya tumakbo sa QC at pinili niya na tumulong muna sa kanyang kasintahan. “Kasi, naniniwala ako na this is his time now, to serve a bigger scope which is the whole Zambales. And alam ko naman kapag nasa public service man ako or wala, matuloy man ako in three years o hindi, I still can run,” sabi n’ya.
Posible kaya na sa susunod na eleksyon ay sa Zambales na rin tumakbo si Aiko, lalo na kapag kasal na sila ni Mayor Jun?
“Hindi ko alam, maraming possibilities. Puwedeng manatili ako sa Quezon City or puwedeng national, hindi natin alam,” sambit ni Aiko.
Napag-uusapan na nila ni Mayor Jun ang kasal, pero wala pang definite date or details.
Bago o matapos ang 2019 elections? “You know, we don’t want the people to think na we’ll get married because of publicity. We’ll get married at the right time, maybe after (the elections).”
107