Nakakaloka nung Miyerkules ng hapon nang makipag-meeting ako kay Jeremy Marquez sa may Victorino’s diyan sa Quezon City.
Itong baklang Gorgy, nag-CR siya tapos pagbalik niya bitbit na niya si Kisses Delavin.
Nandun din pala sina Kisses kasama ang magulang niya na may ka-meeting din yata sila.
Nag-hello naman siya sa akin, pero feel ko talagang parang hindi siya kumportable. Hindi siya lumapit para magbeso. Sumunod dun ang Mommy niya at sinabi ko namang okay na at ipinost ko namang tapos na yung isyu namin.
Kaagad umalis na si Kisses at bumalik na sa table nila.
Parang ang dating, napilitan lang siyang bumati sa akin ha?
Pero okay na yun, at least hindi naman siya nakipagplastikan. Baka nga naman hindi pa siya kumportableng makipagtsikahan sa akin. Huwag na niyang ipilit.
Saka ayoko na ring mag-nega pa dahil kasama pa naman siya sa pelikula ng Regal na D’Ninang na pinagbidahan ni Aiai delas Alas.
Kabubukas lang nun ng pelikula nila, at ang latest kong nabalitaan medyo okay naman ang kinita nito sa unang araw ng showing. Pero hindi siya yung sabihin mong malakas na malakas.
Sana pumik-ap pa sa weekend.
Ang hirap kasi ngayong umasa na mag-hit nang bonggang-bongga ang mga pelikulang ipinalalabas dahil nakatutok pa rin ang mga tao sa pagsabog ng bulkang Taal.
Nakakatakot naman siyempre na baka any moment, sumabog ulit di ba? kaya ipagdasal na lang natin at huwag na siguro mag-away-away di ba?
Nakakaloka! Sa akin pa talaga nanggaling yung huwag mag-away-away ha?
FAITH AT AMA ‘DI PA NAGKIKITA
Ang laki pala nang iginanda nitong anak ng dating aktor na si Dennis da Silva na nakakulong pa rin hanggang ngayon.
Kasali si Faith sa bagong drama series ng GMA 7 na Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday na magsisimula na sa GMA primetime sa Lunes, January 27.
Ang payat na ni Faith na nagsimula yan sa Starstruck, at lalo pa siyang gumanda.
Sabi nga ng mga bading sa kanya, puwede talaga siyang sumali sa beauty competition.
Gusto rin daw niya iyun, pero matagal pa raw iyun dahil gusto niyang iyung handang-handa na siya talagang isabak sa mga ganung bagay.
Ang wish lang ni Faith ay maging bida siya sa isang serye ng GMA 7 na mala-Marimar daw. Bagay naman sa kanya dahil ang ganda ng batang ito.
Nakakatawa pa ang kuwento ni Faith na nagkita raw sila minsan ni Ruffa Gutierrez at nagpakilala raw siyang anak ng dating boyfriend nitong si Dennis da Silva.
Kuwento ni Faith; “Nag-taping ako for Dear Uge one time. And then sinabi po sa akin ni Direk Mark — si Direk Mark Sikat din po ang direktor namin noon —sinabi niya na, ‘Huwag mo munang sabihin na ikaw ‘yung ano, ha, anak ni Dennis?’ Sabi ko, ‘OK po.’
“Tapos, noong gabi na, before kami ma-pack up, sabi ko, ‘Hello po, Miss Ruffa. Ako po, ahhm, I’m the daughter of Dennis da Silva.’
“Tapos, gulat na gulat siya. Sabi niya, ‘Oh my God! Nakakaloka ka!’ Sabi niya, ‘Mag-picture nga tayo dito!’ Tapos, nag-picture kaming dalawa.
“Sabi niya, kamukhang-kamukha ko nga raw si Papa.”
Hanggang ngayon ay hindi pa rin pala nagkikita sina Faith at ng ama niyang si Dennis da Silva.
Lumaki siyang hindi niya nakita ang ama niya dahil nakakulong na ito mula pa nung bata siya.
Pero gusto raw niyang dalawin ito sa kulungan kapag okay na raw siya.
Wala naman daw siyang galit, pero hindi raw siya kasi sure kung ano ang magiging reaksyon kapag magkita sila ng kanyang Papa.
Hinihintay lang daw niya ang tamang panahon.
“Ngayon, tanggap ko na, na ito, nangyari ito dahil sa ganitong rason. Wala na akong magagawa doon. ‘Yun na ‘yon.
“So, ang pwede ko na lang gawin, iyong relationship namin, ayusin ko for the better,” sabi ni Faith.
Sinundan siya ng tanong kung sakaling mabigyan ng chance na madalaw ang kanyang ama, handa na rin ba siya?
“Parang hindi pa… pero parang malapit na malapit na,” sabi na lang ni Faith.
Naku! Sana kilala nila si Faith da Silva huh!
Kahit nga si Dennis da Silva, I’m sure hindi na rin kilala yan ng mga millennials.
Naku! Panoorin nyo na lang nga itong Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday na talagang babangga na naman uli si Barbie Forteza sa teleserye ni Coco Martin.
Biro nga ng mga bading sa kanila ni Kate Valdez, talagang silang apat na sina Dina at Snooky na mga probinsyana rito ay babanggain ang isang probinsyano! Yun na!
170