BUMAHA ng panawagan ng dasal para sa beteranong aktor/direktor na si Eddie Garcia matapos matisod sa isang kable nang pumasok sa eksena na makikipagbarilan sana sa ginagawa niyang teleserye sa GMA 7, ang “Rosang Agimat,” base sa kumalat na actual video ng mga pangyayari.
Dumanas ng matinding atake sa puso ang 90-year-old actor at humingi ng panalangin ang kanyang pamilya para sa kanyang agarang paggaling.
Nakita sa video na nagtulung-tulong ang production staff at ilang bystanders na alalayan si Manoy Eddie matapos itong himatayin.
Balitang hindi na raw muna ililipat ng St. Luke’s Hospital sa Quezon City si Manoy dahil magiging delikado raw ang kalagayan ng beteranong aktor kapag ginawa ito.
Matagal napanood sa “Ang Probinsyano” ng ABS-CBN si Tito Eddie bago siya bumalik sa GMA 7. Last February lang nagpaalam ang character niyang si Senyor Gustavo/Don Emilio na namatay matapos subukang takasan si Cardo Dalisay (Coco Martin).
Ang “Rosang Agimat” ay ang upcoming GMA series na pinagbibidahan ni Gabbi Garcia kasama sina Chanda Romero, Tonton Gutierrez, Thea Tolentino, Gil Cuerva, Jeric Gonzales at marami pang iba.
Nito lamang nakaraang Linggo, June 2 sa 35th Star Awards for Movies, isa si Tito Eddie sa tumanggap ng special award na Natatanging Bituin ng Siglo. Napaka-professional na artista ni Tito Eddie kaya naman paborito siyang kunin ng mga producer at talaga namang gustung-gusto siyang katrabaho at kausap ng mga taga-showbiz.
Isa rin siya sa itinuturing na pinakamabait na alagad sa showbiz. Kaya naman nag-aalala nang husto at nagpaabot kaagad ng dasal ang mga kasamahan niyang artista sa industriya sa pangunguna ni Vice Ganda. “Lord God we pray for Tito Eddie Garcia’s wellness and safety. He will be healed. We claim in Jesus’ name, Amen.”
Gayundin si Senator Chiz Escudero na kapwa niya Bicolano: “Taimtim na panalangin para sa aking lolo Eddie Garcia para sa kanyang agarang paggaling! Hiling ko rin sa Diyos Ama ang patuloy na pananalig at tibay ng loob para sa kanyang pamilya’t mahal sa buhay para maharap at malampasan ang pagsubok na ito.”
Naging sentimental naman si Sharon Cuneta, na ginunita ang mga panahong nakatrabaho niya si Eddie. Nag-tweet din si Ogie Alcasid tungkol sa mabilis na paggaling ni Eddie. Nakabantay ang buong showbiz sa kalagayan ni Tito Eddie.
Hindi matatawaran ang galing sa pag-arte ng multi-awarded actor at pati na ang kontribusyon nito bilang direktor.
UPDATE as of writing (3:30pm June 9, 2019): Mula sa Mary Johnston Hospital, kung saan unang dinala ang respetadong veteran actor, inilipat na si Tito Eddie sa Makati Medical Center, at kasalukuyan siyang naka-confine sa Intensive Care Unit. Dahil sa nangyaring pagkakadapa ay nagkaroon ng fracture ang base ng neck niya (C1 at C2 vertebrae).
photo by BIBETH ORTEZA
179