POKWANG AT LEE, BONDING NGAYON ANG PAG-AALAGA SA ANAK

SOBRANG tutok ngayon sa pag-aalaga ng kanilang anak na si Malia sina Pokwang at Lee O’Brian. Stranded sa probinsya ang kasamahan ng magkasintahan sa bahay kaya nagsisilbing bonding umano ang pag-aalaga sa bata. “Yes, bonding talaga namin. Hands-on kami ngayon dahil wala ang kanyang yaya,” nakangiting pahayag ni Pokwang.

Dalawang taong gulang na ngayon si Malia. Limang taon na ring magkarelasyon sina Pokwang at Lee pero mayroon pa ring ilang kumukuwestiyon kung talagang tunay ang hangarin ng aktor sa komedyana. “Actually hanggang ngayon, pinagdaraanan pa rin namin ‘yan eh. ‘Yung mga sinasabi na, ‘Naku! Gagamitin ka lang niyan,’ mga ganon. ‘Yung hindi sila maka-move on sa gano’n. May anak na kami, hindi pa ba sapat na patunay ito na talagang nagmamahalan kami?” paglalahad niya.

Ayon kay Pokwang ay malaki rin naman ang isinakripisyo ni Lee nang iwan ang pamumuhay sa Amerika upang makapagsama na sila sa Pilipinas. Dahil dito ay ramdam na ramdam umano ng aktres ang pagmamahal ni Lee sa kanilang mag-ina. “’Yung iniwan niya ‘yung kung ano ang meron siya doon at hindi niya alam kung ano ang haharapin niya dito, ‘yung mga gano’n. Pero ako, deadma na lang kami kasi mas kilala naman namin ang isa’t isa eh, at iyon ang importante,” giit ng aktres.

Matatandaang unang nagkakilala ang dalawa nang magkasama sa shooting ng pelikulang ‘Edsa Woolworth’ noong 2014. Ngayon ay respeto lamang ang tanging hinihiling ni Pokwang sa mga taong patuloy na kumukuwestiyon sa pagmamahalan nila ni Lee.

-Reports from JCC-

118

Related posts

Leave a Comment