SOLON SUPORTADO PAGBABAWAL SA PAG-ANGKAT NG KARNENG BABOY

SUPORTADO ni Abra Rep. JB Bernos ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na pansamantalang ipagbawal ang pag-angkat ng ilang uri ng karneng baboy upang maprotektahan ang lokal na industriya ng hog production laban sa patuloy na pagdagsa ng imported na produkto.

Nabatid na umabot sa P28 bilyon ang pagkalugi ng lokal na industriya ng baboy sa unang pitong buwan ng 2026 dahil sa pagbaba ng farmgate prices.

“Food security efforts should never be at the expense of our local producers. Suportado natin ang pagbabawal sa pag-angkat ng karneng baboy para mabigyan ng pagkakataon ang ating local hog producers na huminga at makabangon muli,” pahayag ni Bernos.

Sa ilalim ng Department Order No. 33, nagpataw ang DA ng 60-araw na quantitative restriction sa pag-angkat ng siyam na uri ng pork cuts bilang pansamantalang safeguard measure.

Kabilang sa mga saklaw ng restriksyon ang sariwa, chilled at frozen na swine carcass at half carcass; bone-in ham, balikat at iba pang hiwa ng baboy; gayundin ang sariwa, chilled at frozen na edible offal at atay.

Isinagawa ng DA ang hakbang matapos matukoy na nagdudulot ng malubhang pinsala sa mga lokal na hog raiser ang pagdagsa ng imported na baboy.

Batay sa safeguard measures investigation para sa 2021 hanggang 2025, tumaas ng 42 porsiyento ang pork imports sa 836,239.91 metriko tonelada noong 2025 mula sa 589,674.59 metriko tonelada noong 2023.

Dahil dito, lumaki ang bahagi ng imported na baboy sa kabuuang suplay ng bansa mula 39 porsyento noong 2021 tungong 61 porsyento noong 2025. Bumaba naman ang self-sufficiency ratio ng bansa sa baboy sa 65.5 porsiyento noong 2025 mula 74.3 porsyento noong 2021.

Hinimok ni Bernos ang DA na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa mga kinatawan ng lokal na industriya, kasunod ng magkasanib na apela ng Philippine Pork Council Alliance Inc. (PPCAI), Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork) at Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) na palawigin ang restriksyon.

“As soon as possible we need to determine the appropriate interventions to complement the import ban. We have to be realistic also because we also have to have a stable supply of pork for Filipino consumers,” ani Bernos.

“There’s a delicate balance that has to be struck, and this should be one of our top priorities,” dagdag niya.

Hiniling din ng mambabatas sa DA na mahigpit na bantayan ang galaw ng merkado upang matiyak na walang negosyanteng sasamantala sa pagpapatupad ng import ban.

“Sa ngayon pa lang may balita na na may mga nagtataas ng presyo ng karneng baboy. Kailangang magbantay tayo nang maigi para masiguro na walang predatory pricing at walang hoarding na magaganap habang iniimplementa ang ban,” pagtatapos ni Bernos.

(TINA MENDOZA)

127

Related posts

Leave a Comment