Halos 1.1 bilyon na scam at spam messages ang naharang ng Globe sa unang tatlong buwan ng 2023 sa patuloy na kampanya nito laban sa online fraud, kaakibat ng pagpapatupad ng SIM Registration Act.
Tumaas ng limang beses ang spam at scam messages na naharang ng Globe kumpara sa 217.31 milyon na naitala noong unang quarter ng nakaraang taon.
Tumaas din ang bilang ng mga blacklisted na SIMs sa tulong ng Stop Spam portal ng Globe. Umabot ito sa 22,455 mula Enero hanggang Marso ngayong taon laban sa naitalang 1,812 sa kaparehas na panahon noong 2022.
Dineactivate din ng Globe ang 647 SIMs, kung saan ang 610 ay nasangkot sa pagpapadala ng scam o mga mensaheng panloloko habang ang natitirang 37 ay ginamit sa pagpapadala ng mga spam messages.
Sa pamamagitan ng portal, mas madaling naire-report ng mga customers ang mga numerong nagpapadala ng mga spam o scam messages at tawag. Kailangan lamang i-upload ang screenshot ng natanggap na mensahe at ilagay ang mga detalye tulad ng numero ng nagpadala nito, ang numerong nakatanggap, at maging links na nakapaloob dito.
Noong 2022, pumalo sa halos 2.72 bilyon na scam at spam messages ang naharang ng Globe, mahigit doble ng 1.15 bilyon na naitala noong 2021. Dineactivate rin ng Globe ang 20,225 SIMs at inilagay sa blacklist ang 35,333 SIMs.
“At our core, we remain committed to providing a secure digital experience for our customers. Aside from our various consumer protection initiatives, we are continuously investing in advanced spam detection and blocking systems to protect our subscribers from unwanted and unsolicited messages,” ayon kay Globe Chief Information Security Officer Anton Bonifacio.
Aabot sa $20 milyon na ang na-invest ng Globe para sa spam at scam detection at blocking ng spam at scam SMS. Sa sistemang ito, nasasala ang unwanted messages kabilang ang app-to-person at person-to-person SMS, lokal o international man ang pinanggagalingan.
Sinimulan ng Globe ang pagba-block ng SMS na may clickable URLs noong Setyembre 2022 bilang tugon sa tumataas na kaso ng mga scam at spam messages, kabilang ang mga nakalagay pa ang buong pangalan ng mobile users.
Para hindi maging biktima ng mga masasamang loob, pinapayuhan ng Globe ang mga subscriber nito na i-register na ang kanilang SIMs bago pa ang April 26 deadline na itinakda ng pamahalaan sa ilalim ng SIM Registration Act.
Maaaring irehistro ng libre kahit saan at kahit kailan ang mga SIM sa https://new.globe.com.ph/simreg o sa GlobeOne app. Mayroon ding mga on-ground SIM Registration Assistance sa mga Globe Stores at EasyHubs sa mga malalayong lugar.
Para sa iba pang kaalaman sa Globe. Bisitahin ang https://www.globe.com.ph.
152