REDUCE, REUSE, RECYCLE’ HINDI EPEKTIBO AYON KAY GATCHALIAN; WASTE-TO-ENERGY TECHNOLOGY ISINULONG

Sa kabila ng lumalalang problema sa basura sa bansa, tanging 30% ng mga barangay sa buong Pilipinas, o 12,614 sa 42,045 na mga baranggay, ang nagpapatupad ng ‘segregation’.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Win Gatchalian dahil hindi epektibo ang pinaiiral na ‘reduce, reuse, recycle’ (3Rs) waste hierarchy upang lutasin ang problema sa basura na kinahaharap ng ating bansa.

“Nakadidismaya na pumalpak ang implementasyon sa bansa ng ‘3Rs’ dahil galing na mismo sa DENR na 70% ng mga basura sa buong Pilipinas ay tinatapon lang kung saan-saan,” ayon kay Gatchalian.

Tinawag ni Gatchalian ang pansin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa patuloy na operasyon ng higit tatlong daan (331) pang mga ilegal na dumpsite na hanggang ngayon ay nag-o-operate pa rin. Ayon sa Senador, ang patuloy na operasyon ng illegal dumpsites ay labag sa Solid Waste Management Act.

Sinabi ni Gatchalian na napapanahon na para ikonsidera ng gobyerno ang Waste-to-Energy facilities para tugunan ang problema sa basura. Kaya sa Senado, mariing isinusulong ni Gatchalian ang agarang pagpasa ng Waste-to-Energy Act para mapakinabangan bilang enerhiya ang sangkatutak na mga basura na itinatambak lang kung saan-saan.

Hinihintay na lamang ni Gatchalian ang pagsusumite ng DENR, Department of Energy at Department of Science and Technology ng isang ‘collaborative study’ para sa mga potensyal na enerhiya at ilang mga isyung pang kapaligiran para mabigyang solusyon ang pamamahala ng wastong pagtatapon ng basura sa bansa.

337

Related posts

Leave a Comment