ATLETANG PINOY DANGAL NG BAYAN DAPAT ALAGAAN – REP. TEVES

TUTUTUKAN ni Negros Oriental 3rd district Representative Arnolfo “Arnie” Teves, ang mga proyektong makatutulong sa paghubog ng mga bagong atleta habang binibigyang halaga ang mga naunang nagbigay ng karangalan sa bansa.

Ayon sa mambabatas, pinag-aaralan na niya ang mga panukalang batas na makatutulong upang itaguyod ang kapakanan ng mga atleta sa bansa.

Ikinalungkot ni Teves na malaman na karamihan sa mga atletang Pilipino na nagretiro ay naghihirap.

Bukod dito, sa kanilang pagtanda ay wala man lang silang natatanggap na tulong o pensyon mula sa pamahalaan.

Binigyang diin ng mambabatas na ang mga atleta ay kumakatawan sa Pilipinas sa tuwing sila’y lumalaban sa iba’t ibang bansa. Bukod pa ito sa karangalang ibinibigay nila kapag sila ay nanalo sa larong kanilang nilahukan.

Kailangan din aniyang humubog ng mga bagong atleta upang patuloy na may kakatawan sa mga larong iiwan ng mga nagreretiro.

Nauna nang idinadaing ng mga atletang Pilipino na kulang ang suporta sa kanila ng gobyerno at walang batas na nagpoproteksyon sa kanila.

Kabilang sa mga kilalang atleta na naghatid ng karangalan sa bansa sina Mansueto “Onyok” Velasco, naging boxing champion; Rolando Navarrete sa larangan din ng boxing, Efren “Bata” Reyes mula sa billiard, Manny Pacquiao na tinaguriang People’s Champ at marami pang iba.

Kaya dapat aniyang mabigyan ng pagkilala at suportahan ng gobyerno ang mga manlalaro sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ayuda o pensyon kapag retirado na sila.

Binanggit din ng mambabatas ang pangangailangan ng batas upang mabigyan ng sapat na pag-aruga, pagkilala at benepisyo ang mga atletang Pinoy.

Kaya naman nakatakda siyang maghain ng mga panukalang batas sa Kongreso para mabigyang katuparan ang kanyang layuning itaguyod ang kapakanan ng mga manlalarong Pinoy. (Joel O. Amongo)

28

Related posts

Leave a Comment