Atty. Victor D. Rodriguez – instrumento sa pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang KINGMAKER: THE HARD COPY

“YUNG mga nanira sa akin, tuwang-tuwa nung ako’y nanahimik. Feeling nila ako’y nalusaw na. Hindi nila ako kilala. Instead na sagutin kita o kayo sa isang interview, ililibro ko at lalagyan ng dokumento ‘yung aking sagot sa inyo. Upang aking harapin sa tamang panahon ang mga ibinintang ninyo na ako ay kapit-tuko, ako ay power-hungry, ako ay nagbebenta ng posisyon, ‘yang appointment for sale at ako ay inalis o na-ease out sa Malacañang. ‘Yan lahat ay nasa libro.”

HULYO 5, 2024. Maagang dumagsa ang mga bisita sa JOY-NOSTALG Hotel and Suites sa Ortigas, Pasig City. Ito ay dahil inilunsad sa araw na iyon ang libro na naglalaman ng kumpletong detalye sa masalimuot na pinagdaanan ni Atty. Victor D. Rodriguez para maipanalo si Ferdinand Marcos Jr. bilang Pangulo ng Pilipinas noong 2022 elections.

Si Rodriguez ay malapit na kaibigan at nagsilbing chief of staff at chief strategist ni Marcos sa nasabing eleksyon at kanya ring abogado sa electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo noong 2016—mga panahon na walang kakampi ang pamilya Marcos matapos matalo sa VP race.

Sa nasabing ‘tell-all’ book ay isa-isang inilahad ni Rodriguez ang kanyang karanasan, sakripisyo, sinagot ang mga paninira at kung ano-anong kasinungalingan na ibinato sa kanya sa panahon na siya’y nanungkulan bilang unang Executive Secretary ng administrasyong Marcos Jr.

Iginalang ni Rodriguez ang tanggapan ng Executive Secretary, maging ang pagkakaibigan nila ni Marcos Jr. kaya sa kabila ng maaanghang na salita at mga akusasyon – pinili niyang manahimik.

Sa launching ng ‘Kingmaker’, bahagyang naging emosyonal ang dating ES sa Malacañang. Dumating kasi ang mga kaibigan, kamag-anak, pamilya at iba pang hindi inaasahang bisita.

Hindi akalain ni Atty. Rodriguez na mainit na tatangkilikin ang sinulat niyang libro.

Naroon din sina Chet Pastrana na inintriga noon na kamag-anak umano ng asawa ni Atty. Rodriguez, Quezon City Councilor Rannie Ludovica, veteran newsman Rey Briones na siyang media bureau chief ni BBM noong 2022 presidential elections at maraming personalidad na malaki ang naging papel sa pagkakapanalo ng batang Marcos.

Pinaka-espesyal na bisita ang maybahay ni Atty. Rodriguez na si Ana Carmela at tatlo nilang anak. Naroon din si Ginoong Gerry Lirio na sumulat ng libro.

Sa panayam ng SAKSI NGAYON News Team kay Lirio, sinabi niya na naisip niyang KINGMAKER ang titulo ng libro na may 302 pages dahil si Atty. Rodriguez ang susi kaya naging presidente si Marcos Jr.

Mapalad din ang mga dumalo at bumili ng libro sa launching dahil personal ang mga itong pinirmahan ni Atty. Rodriguez.

Ang Hard Bound Copy ay nagkakahalaga ng P1,450.00 habang ang Soft Bound Copy ay P999.00.

Maaaring umorder online, mag-email lang sa: kingmakerthebook@gmail.com

46

Related posts

Leave a Comment