BAGYO: DAPAT PAGHANDAAN UPANG MAGING LIGTAS

BAGYO-4

(ANN ESTERNON)

Karaniwang binibisita ang bansa natin ng 20 mga bagyo kada taon. Normal iyan dahil napapalibutan tayo ng tubig. Sa madaling sabi rin ay ang bansa natin ay katabi ng Pacific Ocean (Dagat Pasipiko), kung saan nagaganap ang maraming warm at moist air na nabubuo at nagpapalakas ng bagyo.

Sa pagbabantay ng bagyong dumaraan at mga pagbaha sa Pilipinas ay nasa pangangasiwa ito ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dating tinawag na Philippine Weather Bureau.

Ang naturang ahensya ay itinatag noong December 8, 1972 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa panahon ng kanyang panunungkulan sa bansa.

GALAW NG BAGYO

Nabubuo ang bagyo na tinatawag ding tropical cyclone kapag mainit ang temperature sa ibabaw ng dagat at ito ay nasa 27 degrees centigrade pataas.

Nasa bagyo ring ito ang tinatawag na “Weak Vertical Wind Shear.” Ito ang halos magkakapantay na bilis at direksyon ng hangin sa troposphere layer ng karagatan. Ang troposphere layer ay ang pinakamababang layer ng atmosphere ng mundo.

Mahalaga rin na may sapat na moisture para magkaroon o makabuo ng mga ulap na nangyayari lamang sa malalawak na karagatan gaya ng Pacific Ocean.

Kailangan ng bagyo upang magkaroon ng kontrol sa temperatura sa buong mundo. Kung wala nito makakaranas ng matinding lamig ang mga taga-norte habang matinding init naman ang mararanasan ng mga tropical na bansa.

Kapag ang hanging nasa loob ng bagyo ay lumalakas ito ay binabantayan at pinagbabatayan ng PAGASA kung ito ba ay malakas na uri ng bagyo.

Malayo ang pinanggagalingan ng bagyo kaya naipon ang hangin at ulan habang ito ay nasa karagatan. At habang malayo ay binabantayan ito hanggang sa sitwasyong makapasok ito sa PAR.

ANO ANG PAR?

Ang Philippine Area of Responsibility ay imaginary line na nakapalibot sa ating bansa at sa karagatang nakaikot dito ito ay batay o itinakda ng World Meteorological Organization.

Ang imaginary line ay nagsisilbing gabay ng PAGASA upang malaman nila ang paparating na weather disturbance (o nakakagulo sa panahon) katulad ng bagyo.

Ang bagyo ay may dalang hangin at ito ang pinagbabatayan ng PAGASA para magtaas sila ng Public Storm Signal.

– Public Storm Signal No. 1 – hangin na may bilis mula 30 hanggang 60 km/h at ina­asahan ito sa susunod na 36 oras.

– Public Storm Signal No. 2 – hangin na may bilis 61 hanggang 100 km/h at inaasahan ito sa susunod na 24 oras.

– Public Storm Signal No. 3 – hangin na may bilis na 101 hanggang 185 km/h at ina­asahan ito sa susunod na 18 oras.

Samantala, mayroon ding Signal No. 4 sa public storm warning system ng PAG­ASA.

Ang Public Storm Signal No. 4 ay unang ginamit ng weather bureau halos tatlong dekada na ang nakalilipas.

Bago nito, orihinal na ginagamit na babala lamang ay hanggang Signal No. 3. Ito ang mga lugar na inaasahang tatama dahil sa malakas na hangin na lampas sa 100 ki­lometers per hour.

Sa Public Storm Signal No. 4 ang bilis ng hangin nito ay 185 km/h at higit pa na inaasahan sa susunod na 12 oras.

STORM SURGE

Ang storm surge o daluyong ay ang pagragasa ng tubig-dagat. Ito ay delikado lalo na sa mga naninirahan sa tabing-dagat at maaari rin itong humampas sa kalupaan.

Ang Pilipinas ay nakakaranas ng storm surge dahil na rin sa mahabang baybaying-dagat. Ang bansa natin ay napapalibutan ng tubig-dagat kaya’t hindi talaga malayo na magkaroon ng storm surge sa panahon na masama at may malalakas na bagyo.

Noong 2013 ang storm surge ay naganap nang ang bagyong “Yolanda” (Typhoon Haiyan ang international codename) ay dumating sa Tacloban City sa Visayas at sumira sa mga ari-arian, mga sakahan at iba pa. Ang mas masakit pa rito ay mara­ming buhay ang nawala dahil sa daluyong ng dagat.

Dahil ang “Yolanda” ay tinawag na super typhoon at nagdulot ng matinding storm surge, kumitil ito ng buhay ng 6,300 katao at libo rin ang sinasabing nawawala noong panahong iyon.

Kilala sa buong mundo ang bagyong “Yolanda” at binansagan pang “world’s strongest and deadliest typhoon” at umukit ito ng public storm signal no. 4 dahil sa bilis ng hanging may taglay na 255 hanggang 315 km/h.

Sa storm surge ay ang hindi pangkaraniwang pag-angat ng tubig-dagat dahil sa bagyo. Kapag mas malakas ang hanging dala ng bagyo malaki ang posibilidad na lumikha ito ng daluyong.

Ang lakas at epekto ng daluyong ay nakabase sa lakas ng bagyo, sa taas at hulma ng baybayin na sasampahan ng tubig-dagat.

Nangyayari ang daluyong dahil sa malakas na hangin sanhi ng pagbaba ng presyon sa mata ng bagyo na tumutulak sa tubig kaya naiipon at tumataas kumpara sa pangkaraniwang taas ng tubig-dagat na patungong baybayin.

Epekto ng storm surge

Delikado kapag nagkaroon ng storm surge sapagkat nagdudulot ito ng malawakang pagbaha na posibleng umaabot ng ilang kilometro mula sa dalampasigan na nakadepende sa hulma at taas ng alon nito. Kapag malakas ang hangin at alon ay maaari itong makasira sa mga daraanan ng daluyong ng dagat.

PINAKAMALALANG MGA BAGYO SA PILIPINAS

  1. Typhoon Yolanda (Haiyan) na naganap noong November 8, 2013 at kumitil sa 6,300 katao
  2. Typhoon Uring (Thelma) na naganap noong November 5, 1991 at kumitil sa 5,956 katao
  3. Typhoon Pablo (Bopha) na naganap noong December 4, 2012 at kumitil sa 1,901 katao
  4. Tropical Depression Winnie na naganap noong November 29, 2004 at kumitil sa 1,619 katao
  5. Typhoon Titang (Kate) na naganap noong October 13, 1970 at kumitil sa 1,551 katao
  6. Typhoon Sendong (Washi) na naganap noong December 15, 2011 at kumitil sa 1,439 katao
  7. Typhoon Nitang (Ike) na naganap noong September 1, 1984 at kumitil sa 1,422 katao at
  8. Typhoon Reming (Durian) na naganap noong November 30, 2006 at kumitil sa 1,399 katao

TSUNAMI

Tsunami na tinatawag ding seismic sea wave ay hindi nangyayari kapag may bagyo ngunit isa ito sa dapat ingatan kaya binabantayan kapag may lindol o may kakaibang nangyayari sa ilalim ng dagat.

Ang tsunami ay tulad ng daluyong dahil may dala itong tubig-dagat at baha pero hindi ito ang tidal wave. Ang tsunami ay serye ng paggalaw ng malalaking alon na nilikha ng pangyayari sa ilalim ng dagat tulad ng lindol, pagguho ng lupa, pagputok ng bulkan o dahil sa maliliit na bulalakaw.

MGA DAPAT TANDAAN TUWING MASAMA ANG PANAHON

– Tumutok sa mga balita mula sa telebis­yon, radyo, o pahayagan para sa lagay ng panahon.

– Bago pa man ang bagyo ay suriin na ang inyong bahay kung ito ay may butas o sira. Suriin din ang malaking puno malapit sa bahay o sanga nito na maaaring magiba sa pagdating ng bagyo.

– Ihanda ang emergency kit at magkaroon ng family emergency plan.

– I-unplug ang electronics equipment.

– Kapag kumikidlat ay iwasang lumabas ng bahay.

– Kapag nasa sasakyan umiwas sa mga bagay na maaaring bumagsak sa inyo katulad ng puno, gusali o mahihinang pader mula rito.

– Ilista na agad ang emergency response team at ang mga numero nito mula sa ahensya ng gobyerno o samahan sa inyong lugar na tutulong sa panahon ng kalamidad.

– Palaging ihanda ang radio at batteries, maging ang flashlight ay ipuwesto sa mada­ling makita. Kung gagamit ng kandila, gasera at posporo ay dobleng ingat ang kailangan para rito.

– Bago pa man ang matinding bagyo ay i-charge na ang mobile phones.

– Maghanda ng mga de-latang pagkain at ihanda ang sapat na inumin.

– Isara ang mga pinto at bintana kapag nagsisimula na ang malakas na hangin. Umiwas sa mga pinto at bintana lalo na kung ito ay babasagin.

2340

Related posts

Leave a Comment