Sa kanilang miting de avance, opisyal na inanunsyo ng pinakamalaking grupo na kumakatawan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at sa kanilang mga pamilya ang kanilang pag-endorso kina Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa pagkapangulo at kay Inday Sara Duterte naman sa pagka-pangalawang pangulo para sa halalan ngayong darating na Mayo 2022.
Ayon sa Advocates and Keepers Organization of OFWs (AKO-OFW), ang pagtutulak ni BBM na magkaroon ng pagkakaisa at ‘social healing’ para tuluyan nang makausad ang ating bansa ang nagpapatunay na siya ang dapat maging presidente ng Pilipinas.
Ang pagiging batikan at karanasan sa lokal na pamahalaan ni Sara naman ang patunay na siya ang tamang piliin upang maging bise presidente dahil kailangan na ang pangalawang pinakamataas na opisyal sa bansa ay maging isang hands-on na lider, at hindi lang naka “standby” katulad ng ibang mga naging bise presidente ng bansa.
Tumatakbo din para makakuha ng upuan sa kongreso ang AKO OFW sa darating na halalan. Ang AKO OFW ay #10 sa listahan ng mga partylist sa balota. Layunin nitong proteksyunan ang interes ng mga migranteng manggagawa ng Pilipinas, at nais din nilang magpatupad ng mga batas at polisiya na makakatulong sa ating mga OFWs. Kabilang sa kanilang agenda ang pagsusulong ng OFW Hospital, pension plan para sa mga OFW, OFW village, konseho ng OFW sa bawat barangay sa bansa, at mga programang pangkabuhayan para sa pamilya ng mga OFWs.
Ayon sa Chairman at First Nominee ng AKO-OFW na si Dr. Chie Umandap, si BBM ang tanging kandidato sa pagkapangulo na siyang nakakaintindi ng mga pangangailangan ng OFW at nakikinig sa mga hinaing nito.
Nabanggit din ni Dr. Umandap na ang ama ni BBM, ang yumaong si Presidente Ferdinand Marcos, Sr., ang nagbukas ng pintuan upang mabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa ibang bansa ang milyun-milyong Pilipino noong siya pa ang nakaluklok bilang pangulo ng bansa. Dahil dito ay nakakuha ng mga malalaking trabaho ang ating mga OFW’s na siyang nagamit bilang pangtustos sa kanilang iniwang pamilya sa bansa at masiguro na mabigyan ng mahusay na edukasyon ang kanilang mga anak.
“Sinusuportahan ng mga OFW ang sigaw ni BBM para sa pagpapatawad at pagkakaisa, na siyang tingin namin ay kailangan ng ating bansa upang makabawi at makamit ang ninanais na pagunlad,” ani Dr. Umandap.
Sabi pa niya: “Kung hindi dahil kay yumaong pangulong Marcos, hindi magkakaroon ng mga tinatawag na ‘makabagong bayani’ o mga OFWs na siyang patuloy na tumutulong sa pag-unlad ng ating bansa.”
“Kaming mga nasa AKO-OFW ay masugid na nakikinig sa mga plataporma at mga adhikain ng bawat mga kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo upang aming matukoy kung sino sa kanila ang maaring kumatawan sa mga mithiin ng mga OFW, at ng buong bansa. Matapos naming pulungin at kausapin ang lahat ng mga OFWs, napagdesisyunan naming suportahan ang kanilang pagkandidatura,” dagdag pa niya.
106