(Ni Dahlia Anin)
Ang Calaguas o mas kilala bilang Calaguas Island ay binubuo ng 18 isla na matatagpuan sa probinsya ng Camarines Norte sa Bicol Region. Ang mga pangunahing isla nito ay ang Tinaga, Guintinua at Maculabo Island. Karamihan sa isla nito ay nasa ilalim ng munisipalidad ng Vinzons habang ang Maculabo naman ay nasa hurisdiksyon ng bayan ng Paracale.
Ang islang ito ay may layong mahigit sa 200 kilometro mula sa Maynila. Siyam na oras ang ibiniyahe namin mula Maynila hanggang Vinzons. Dahil maaga kami dumating, hinintay naming mag-umaga, alas-8:00 ng umaga nang sumakay kami ng bangka papuntang Calaguas. Inabot ng dalawa’t kalahating oras ang tagal ng ibiniyahe namin papuntang isla, ang dagat ay paiba-iba pa ng galaw, pero ‘di kami nakaligtas sa mga alon na ang sabi ng bangkero ay hindi pa ganoon kalaki kaysa sa mga alon pagdating ng buwan ng Hunyo hanggang Disyembre.
Napakalayo nito, pero masasabi kong sulit ang layo at tagal ng ibiniyahe namin dahil sa napakagandang tanawin. Dumaong ang bangka sa mismong pampang ng dagat dahil wala pang daungan doon sa tinatawag nilang Mahabang Buhangin Beach. Pino at kulay puti ang buhangin, napakalinaw ng dagat. Hindi masyadong mainit pagdating namin dahil medyo makulimlim ang langit. Naligo muna kami sandali bago nananghalian. Matapos ang kainan ay nag-island hopping na kami sa Balabag Island, kasama na ang trekking sa bundok na naroon, medyo madulas pag-akyat, lalo na kung goma ang iyong tsinelas, pero pagdating sa tuktok ay makikita mo ang napaka-relaxing at napakagandang tanawin ng Pacific Ocean. Ito ‘yung tanawin na napapanood ko lang ‘pag kumakanta ako sa videoke, hindi ako makapaniwala na mayroong ganoon dito sa ating bansa.
Tumagal lang kami roon ng 45 minutes, pagbaba ng bundok ay sumakay na kami ulit ng bangka at pumunta sa bandang gitna, doon naman isinasagawa ang snorkeling, rerentahan na roon ang mga gamit kung nais mong makita ang ilalim ng kanilang mayaman na karagatan. Medyo makulimlim pa rin ang kalangitan noon kaya 30 minuto lang ang itinagal namin at bumalik na kami ulit sa mahabang buhanging beach kung nasaan ang aming nipa hut cottage.
Maswerte kami sa kabila nang makulimlim na kalangitan ay hindi umulan kaya naman na-enjoy pa rin namin ang paglangoy sa dagat, umahon kami bago maghapunan. May mga palikuran na roon at tubig kaya pwedeng-pwedeng magbanlaw. Walang signal sa isla, kaya naman napakagandang get away nito kung nais mong malayo pansamantala sa trabaho at buhay sa siyudad.
Napakasarap ng mga pagkain sa isla, na kasama na sa binayaran naming package, mga seafood at ilang Bikolano dishes ang kanilang inihain sa amin tulad ng laing at ginataang santol. Ang mga turista roon ay natutulog sa camping tent. At nilatag ‘yun sa dalampasigan, may mga marerentahan na ring unan, maliit na foam at comforter doon.
Pwede ring mag-charge ng cellphone tuwing gabi dahil may generator sa isla na pinapaandar lang pagsapit ng gabi. Kinabukasan ay ginising kami ng maaga para mag-trekking sa Sitio Tinago, nasa likod lang ito ng Mahabang Buhangin Beach. Nakita namin ang pinaka-barrio sa lugar, kung saan nakatira ‘yung mga nagsisilbi sa amin (tagapagluto at tagahanda ng aming pagkain) at mga may-ari ng mga tindahan doon.
Tatlong bundok ang maaaring akyatin doon ngunit dalawa lamang ang aming napuntahan dahil umulan at delikado kasi madulas at maaaring magputik ang daraanan. Sa ibabaw ng bundok sa Sitio Tinago, kitang-kita ang kabuuan ng isla ng Calaguas. Nakita rin namin ang pantalan na tila hindi pa tapos pero may mga bangkang nakadaong. Napakatahimik at talagang nakaka-relax ang tanawin sa taas ng bundok. Maganda ang lugar para sa picture taking na talaga namang sinulit namin.
Talaga namang totoong ang islang ito ang susunod na Boracay. Bilib ako sa palakad ng gobyerno nila roon. Ayon sa tour guide namin, inasahan daw nila na darami ang turista roon nang magsara ang Boracay noong nakaraang taon. Dahil doon nagpatupad ang local government ng waste management at boat traffic management upang mapanatili ang katahimikan at kagandahan ng lugar, bawat isa ay dapat maging responsable sa kalat na kanilang dinadala.
Mahigpit ang paalala sa amin na ang aming mga basura ay dapat nasa isang lagayan lang. May mga nakatalagang basurahan din malapit sa beach. Panay din ang linis ng mga tagaroon sa tabing-dagat.
Ang mga small tours operators sa lugar ay hinihikayat na tumulong sa pagpapanatili ng katahimikan, kalinisan at kagandahan ng isla. Sila ang katulong ng local community doon para mapaunlad ang eco-tourism sa isla.
Sinabi rin ng tour guide namin na tuwing weekday ay walang tao sa beach area, dahil karamihan sa mga turista ay weekends lang napunta roon. Bihira rin daw ang turista doon pag buwan ng Hulyo hanggang Disyembre dahil ang panahon daw na ‘yun ay Habagat kung saan malalaki ang alon at ‘di kakayanin ng bangka na pumunta sa isla. Magandang panahon daw talaga ang Marso hanggang Hunyo. Karamihan din sa tour guide doon ay mga estudyante at sila ay volunteers lamang na nais ipakilala sa mga turista ang kanilang napakagandang isla.
373