CONCEPCION: PRIBADONG SEKTOR, TUMULONG SA PAG-AKIT NG INVESTMENTS SA US VISIT NI BBM

Nakatulong sa pagpukaw sa interes ng mga pinakamalalaking private equity investors ang paglahok ng mga nangungunang tycoon ng bansa sa nakaraang pagbisita sa US ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang isa sa mga highlight nito ay naganap sa high-level roundtable meeting na inorganisa nina Asia Society Philippines Chair Doris Magsaysay Ho at Vice Chair Myla Villanueva noong Setyembre 23, kung saan ilan sa pinakamalalaking mga mamumuhunan sa mundo ay dumalo.

Kasama dito sina dating ambassador John Negroponte ng McLarty Associates, Ken Mehlman ng KKR, Andrew Thomas ng Stonepeak, Mark Tatum ng NBA, Dinesh Kanna ng Boston Consulting, Michael Kirban ng VitaCoco, Proof of Learn founder Shiela Marcelo, Asia Society trustee Asheet Mehta ng McKinsey, Nick Rohatyn ng The Rohatyn Group, Itai Lemberger ng Bow Wave Capital, Brian Franke ng Indigo Partners, at Alibaba co-founder Joe Tsai, na namuhunan na rin sa Mynt, o Gcash.

“This government has been very supportive of the private sector and public participation. The President is very keen to get the private sector involved and we are delighted with that,” sabi ni Ayala Corp. chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala sa ginanap na Public Economic Briefing na ginanap sa pagbisita ng Pangulo.

“The President has quite cleverly gotten 30 of our country’s busiest CEOs to voluntarily work for him,” sabi ni Aboitiz CEO Sabin Aboitiz, na siya ring convenor ng Private Sector Advisory Council (PSAC), isang grupo ng mga malalaking negosyanteng nagpapayo sa Pangulo.

“The private sector was in full force during the three major business briefings during the visit,” sabi ng founder ng Go Negosyo at RFM President and CEO Joey Concepcion, na siya ring pinuno ng Jobs committee ng PSAC.

“Sa tingin ko, ang pagkapanalo ng Pangulo sa pinakamalaking mandato sa kasaysayan ng Pilipinas ay nagbigay inspirasyon sa pribadong sektor na tumulong sa pag-akit ng pamumuhunan sa bansa,” sabi ni Concepcion. Ayon sa kanya, ang mga foreign investors ay sabik na makipag-ugnayan, na agarang makikita sa kanilang masiglang pagdalo sa mga briefing at matagumpay na mga meetings ng Pangulo.

Dagdag pa ni Concepcion sa pribadong pagtitipon sa Asia Society, malaking oportunidad para sa mga dayuhang mamumuhunan ang public-private partnerships. Makikita ito, aniya, sa karanasan ng bansa noong pandemya kung saan ang kooperasyon ng public at private sector ay naging susi sa pagkuha ng mga bakuna, sa mass testing, at pagpapatupad ng mga lockdown.

Ayon kay Concepcion, pagkakataon din ito na maisulong ang inclusive growth sa bansa sa pamamagitan ng paglago ng mga MSMEs, na bumubuo sa halos lahat ng mga uri negosyo sa Pilipinas. “Ang aming hangarin ay gawing mas inklusibo ang paglagong ito; hindi lang tayo, ang malalaking korporasyon, kundi ang buong bansa,” aniya, at idinagdag na ang malalaking korporasyon ay dapat tumulong sa maliliit na negosyo na umunlad.

Ang pribadong sektor ng Pilipinas sa Asia Society meeting ay kinatawan ng mga pinuno ng pinakamalaking kumpanya sa Pilipinas, kabilang ang PSAC convenor at Aboitiz CEO Sabin Aboitiz, RFM Corp. president at CEO Joey Concepcion, Ayala Corp chairman Jaime Zobel de Ayala, Magsaysay Holdings CEO Doris Magsaysay Ho, JG Summit CEO Lance Gokongwei, GCash President Martha Sazon, at MDI founder Myla Villanueva.

93

Related posts

Leave a Comment