Nakaka-turn off sa tao na mayroon itong mabahong hininga. Hindi ito basta masamang amoy ng hininga dahil sa hindi ka lang nagsipilyo matapos mong kumain kanina ng agahan kundi isang malalang kondisyon na ang tawag ay halitosis dala ng pagpapabaya at walang maayos na oral hygiene.
Ang halitosis na tinatawag ding bad breath (o fetor oris) ay nangyayari sa 25 porsyento ng tao sa mundo o isa sa bawat apat na tao ang mayroon nito. Siguro ay karaniwan pero dapat ito ay iniiwasang mangyari dahil nakahihiya sa katabi o kausap.
Ang halitosis ay hango sa mga salitang Latin na halitus na ang ibig sabihin ay hininga habang ang osis ay kondisyon.
Nagkakaroon ng amoy dahil kapag may particles ng pagkain ang naiwan sa bibig, nauuwi ito sa bacteria na siya namang nagpo-produce ng sulfur compounds na dahilan ng pagkakaroon ng masamang amoy. Mas maraming food particles na naiiwan sa bibig, mas malakas ang amoy nito na hindi maganda.
Isang mabuting paraan para ito ay maiwasan ay ang palagiang pagsisipilyo matapos kumain. Mas maiging sundan ito ng pagpo-floss upang mawala ang mga nakasingit sa pagitan ng mga ngipin. Sipilyuhin din ang dila at gilagid. Matapos nito ay magmumog ng mouth wash.
Isa pang paraan para maging healthy at fresh ang hininga ay panatilihing hydrated ka. Regular na uminom ng tubig.
Ang pagkakaroon din ng halitosis ay maaaring dahil sa mayroon kang sakit, dahil mismo sa pagkakaroon ng gum disease o dahil sa sirang ngipin na hindi natatanggal.
Iwasan din ang paninigarilyo at ugaliing magpatingin sa dentista nang regular. (Ann Esternon)
181