Misyon ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela na magbigay ng inklusibong serbisyo para sa lahat, kaya naman pinangunahan ni Mayor WES Gatchalian, sa pakikipag-ugnayan ng City Social Service and Development Office (CSWDO) at Housing and Resettlement Office (HRO) ang pagbibigay ng isang fully-furnished na housing unit sa isang PWD family sa Disiplina Village Ugong noong May 9, 2023.
Ang benepisyaryo ay isang PWD family na kinabibilangan nina Mr. Jonady Zapanta, 42 taong gulang, kanyang kapatid na si Ms. Nelly Zapanta, 32 taong gulang, may sakit na Tetra-Amelia Syndrome, at ang kanilang pamangkin na si Ms. Marie Zapanta, 19 taong gulang na may hydrocephalus. Ang pamilya ay kliyente na ng Pamahalaang Lungsod mula 2011 kung kailan nagsimula ang kanilang paghingi ng tulong pang-pinansyal para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Si Mr. Zapanta, bilang pinuno ng kanilang pamilya ay hindi napigilan ng kanyang sariling kapansanan at patuloy na nagsumikap bilang isang beautician sa Barangay Dalandanan para suportahan ang kanilang pamilya. Ang kinikita niyang PhP 4,000 kada buwan ay hindi sapat para sa pangangailangan ng pamilya.
Noong 2016, namagitan na ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa pamamagitan ng pagbibigay ng pang araw-araw na supply ng diapers at gatas. Nagbigay rin ng serbisyo si Ms. Amelia Gatuz , isang homecare volunteer, sa pamamagitan ng pagtulong sa pangangalaga kay Marie.
Dahil sa hirap ng sitwasyon ng pamilya ay inirekomenda sila ng CSWDO na mabigyan ng tuloy-tuloy at maayos na tulong, kaya naman binigyan sila ng Pamahalaang Lungsod ng isang housing unit sa Disiplina Village Ugong na naglalaman ng mga kagamitan para sa mga pangangailangan ng pamilya. Naglalayon itong magbigay ng mas komportableng matutuluyan para sa pamilya.
Ito ay isa na namang patunay at tagumpay para sa misyon ng Pamahalaang Lungsod na magbigay ng inklusibong serbisyo para sa lahat. Isa lamang ito sa mga darating pang programang makakapagpagaan sa pamumuhay ng Pamilyang Valenzuelano.
Dumalo rin sa pagbibigay ng housing unit sina Councilor Niña Lopez, City Social Welfare and Development Office Head Ms. Dorothy Evangelista, Housing and Resettlement Office Head Ms. Elenita Reyes, at Ugong Punong Barangay Ed Nazar at Konseho.
